MAKASAYSAYAN ang taong 2016 para sa University of the Philippines College of Business Administration (UPCBA), na nagdiriwang ng ika-100 taon ng pagkakatatag.

Mula nang itatag noong 1916 at hanggang sa kasalukuyan, kinikilalang pangunahing institusyon sa edukasyong pangnegosyo ang UPCBA. Nanatili itong may pinakamataas na antas sa CPA licensure examination mula 2010 hanggang 2015, at humubog sa isipan ng maraming pinuno sa negosyo at pamahalaan sa bansa.

Pumasok ako sa kursong business administration sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1966 bilang estudyante sa kursong political science. Kalaunan ay lumipat ako sa College of Business Administration sa dalawang kadahilanan. Una, naging hamon ang naririnig ko noon na napakahirap ng mga kurso roon. Pangalawa, dahil katulong ako ng aking nanay sa pagtitinda ng hipon at isda sa Navotas at Divisoria, naisip ko na ang kursong ito ay makapagbibigay sa akin ng mas kapaki-pakinabang na kaalaman at kasanayan.

Marami akong natutuhan sa aking nanay, na tinulungan ko rin sa pagpapatakbo sa kanyang tindahang sari-sari, ngunit sa College of Business Administration yumabong at umunlad ang aking kaalaman sa negosyo.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: May ‘purpose’ na itinakda ang Diyos sa buhay mo

Natatandaan ko, ng mga panahong iyon ay maigting ang mga diskurso at aktibidad na makakaliwa sa UP. Kailangang mamili ang mga estudyante kung gaano ang antas ng kanilang pagkakaliwa. Dinaanan ng maraming estudyante ang aktibismo at ito ang nakaimpluwensiya sa marami nating pananaw sa daigdig hanggang sa ngayon.

Kasalukuyan akong nag-aaral sa UP sa kainitan ng First Quarter Storm, na tumutukoy sa mga protesta na inorganisa ng mga estudyanteng aktibista sa simula ng 1970.

Bagamat sabay kong tinutukan ang pag-aaral at pagtulong sa aking nanay sa pagtitinda ng hipon, umanib ako sa ilang progresibong kilusan ng mga estudyante, gaya ng Kabataang Makabayan (KM), at sumama sa maraming demonstrasyon na isinasagawa halos linggu-linggo.

Mula sa Agrifina Circle sa Diliman ay sumasakay kami sa mga bus at dyip papunta sa Maynila at nagmamartsa sa Malacañang. Nakaiigaya ang mga panahong iyon, lalo na sa mga mag-aaral sa kolehiyo na nagsisimulang magkaroon ng kaalaman sa mga problema sa kanilang paligid.

Sa pagbabalik-tanaw, itinuturing ko na isa itong mahalagang bahagi ng paghubog sa aking buhay. Hindi nawala sa aking kamalayan ang maraming paniniwalang makakaliwa, at ginamit ko ang mga ito kahit sa pagpasok ko sa negosyo.

Naniniwala ko na ito ang nagtulak sa akin upang bakahin ang kahirapan na sumusupil sa ating mga kababayan. Hindi ako naniniwala sa karahasan ngunit naniniwala ako sa pakikibaka upang palayain ang ating bayan sa ganitong panlulupig.

Bilang negosyante, nagbabayad ako ng tamang buwis, nagbibigay ng trabaho, benepisyo at oportunidad sa aking mga empleyado at nagsasagawa ng mga aktibidad ukol sa responsibilidad ng isang korporasyon. Ang huli ay makikita sa gawain ng Villar Foundation sa paglaban sa kahirapan at pagsusulong ng entrepreneurship.

Maraming oportunidad ang iniaalok ng UPCBA sa kabataan upang magkaroon ng aktibidad na extracurricular. Sumali ako sa Pan Xenia fraternity, UP Junior Executives Circle (UPJEC), UP Junior Philippine Institute of Accountants (UP JPIA), at UP Student Catholic Action (UPSCA).

Ilan sa magagandang alaala ng aking mga araw sa UPCBA ay nangyari sa labas ng paaralan. Halimbawa, mayroon kaming Thursday Club na nagpupunta sa Cubao o Quiapo pagkatapos ng klase upang kumain sa mga mumurahing restoran, gaya ng Ma Mon Luk at... Chopsticks House. Kung minsan ay nanonood kami ng sine sa Quiapo at Recto.

Tumatanaw ako ng utang na loob sa aking alma mater dahil sa pagbibigay sa akin ng mataas na uri ng edukasyong pangnegosyo, at lalo na sa pagbibigay sa akin ng kapaligiran upang mapaunlad ko ang aking tiwala sa sarili at mangarap nang matayog hindi lamang para sa aking sarili o sa aking pamilya, kundi lalo na para sa bayan.

Binabati ko ang UPCBA sa ika-100 anibersaryo nito. Ikinararangal ko na naging bahagi ako ng kasaysayan nito. Isang karangalan din para sa akin ang maging pangulo ng UP College of Business Administration Alumni Association sa sentenaryo nito.

Inaanyayahan ko ang UPCBA alumni sa isang gala dinner na inihahanda namin ng aking kabiyak, si Senador Cynthia A. Villar, upang ipagdiwang ang mahalagang bahaging ito ng kasaysayan ng UPCBA. Ang nasabing gala dinner, na tinawag naming “100 Years of Business Excellence”, ay idaraos sa SMX Convention Center sa Disyembre 4, 2016.

Ang mga interesadong dumalo sa makasaysayang selebrasyon ay maaaring tumawag o mag-text sa mga sumusunod: +63998966-9892 (Rev Atayde) o +63 2 847-3500 loc. 309 (Junel Roxas). Maaari ring bisitahin ang www.teamasiaevents.com/upcbaaa/ para sa karagdagang impormasyon.

(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph) (Manny Villar)