MAY nagtatanong sa akin kung saan hahatakin o dadalhin ni President Rodrigo Roa Duterte ang Pilipinas sa loob ng kanyang anim na taon bilang lider ng bansa. Nagalit siya sa US dahil sa pahiwatig noon ni US President Barack Obama na magdahan-dahan siya sa kanyang drug war at baka nagkakaroon na ng human rights violations at extrajudicial killings.
Ayaw ni Mano Digong ang gayong parang pakikialam ni Obama sa pangangasiwa niya sa paglaban sa illegal drugs, dahil kahit mismo raw sa maraming lugar sa US ay umiiral ang extrajudicial killings sa mga Itim o African-American, na pinagbababaril ng mga pulis kahit nakahiga na sa lupa.
Sa ngayon, medyo tameme si President Rody sapul nang manalo si billionaire Donald Trump laban kay ex-State Secretary Hillary Clinton. Alam niya na hindi siya “sasantuhin” ni Trump, na tulad niya ay prangka, masakit magsalita at umano’y misogynist din.
Si Trump ay hindi katulad ni Obama na nang murahin ni RRD ay hindi gumanti ng masasakit na salita, at sa halip ay kinansela lang ang nakatakdang pakikipag-usap niya kay Pangulong Duterte, na inilarawan ni Obama bilang isang “colorful person”.
Sina Trump at Du30 ay parehong mahilig sa babae, katulad din ng hinahangaan niyang si Russian President Vladimir Putin. Marahil ay batid ni RRD na kapag minura niya si Trump, tiyak na babalikan din siya ng mura nito. Sabi nga ni Duterte, si Trump ang lider ng pinakamakapangyarihang bansa sa buong mundo, at siya ay isa lamang molecule sa planetang Earth kung ikukumpara kay McDonald, este Donald Trump.
Hindi kumportable ang sambayanang Pilipino sa ginagawang pagkiling (pivot) ng ating pangulo sa China at Russia. Sabi nga ni ex-President Fidel V. Ramos, okay lang na makipagkaibigan sa dalawang bansang ito nang hindi kailangang makipag-away o makipaghiwalay sa United States.
Matagal nang alyado at kaibigan ni Juan dela Cruz si Uncle Sam. Malimit na sa panahon ng krisis, kalamidad, sakuna at iba pa, ang US ang unang dumadamay at nagkakaloob ng tulong sa bansa. Samantala, ang China na kinakaibigan ngayon ni Mano Digong ay ayaw pang umalis sa Panatag Shoal at patuloy sa pag-okupa rito at sa iba pang reefs ng ‘Pinas.
Ang Russia, na nais ni RRD na magkaroon ng malapit na ugnayan sa bansa, sabog na ngayon. Hindi na ito ang lider ng dati ay USSR (Union of Soviet Socialist Republics), matinding karibal ng US sa lahat ng aspeto ng buhay, mula sa ekonomiya hanggang sa pagpapalipad ng satellite sa buwan.
Sa ngayon, nakikiusap si Du30 kay Donald Trump na sana’y maging “mabait” sa mahigit tatlong milyong illegal immigrant sa US, kabilang ang mga Pinoy na TNT, na naghahanap-buhay lang doon sapagkat walang makuhang trabaho sa Pilipinas.
(Bert de Guzman)