FORT LAUDERDALE, United States (AFP) – Nilalabanan ni Hillary Clinton na masupil ang muling pagtuon ng Federal Bureau of Investigation (FBI) sa kanyang mga email noong Linggo habang sinusuyo naman ni Donald Trump ang western states sa humihigpit na karera patungo sa White House.
Siyam na araw bago ang botohan, nangampanya ang 69-anyos na dating secretary of state sa Florida. Ngunit nayanig ang kanyang kampanya nang ianunsyo ni FBI boss James Comey nitong Biyernes na nirerepaso ng mga tauhan nito ang mga bagong nadiskubreng email, na bumuhay sa isyung nais nang ibaon ni Clinton.
Inakusahan si Clinton na inilagay sa alanganin ang kaligtasan ng United States sa paggamit niya ng private email server noong siya ay secretary of state.