May 50 political prisoners – karamihan ay mga babae, matatanda, may sakit at matagal nang nakakulong – ang maaaring mapalaya sa mga susunod na linggo bilang bahagi ng peace negotiations sa pagitan ng Philippine Government (GRP) at National Democratic Front (NDF).

Ito ang ibinunyag ni NDF Consultant Wilma Tiamzon sa Manila Bulletin nitong Sabado, at kinumpirma rin ng isang miyembro ng GRP peace team na nakikipag-usap sa mga rebeldeng komunista simula Agosto.

“They are trying to release a batch of 50,” sabi ni Tiamzon. At nang tanungin kung maaari itong mangyari bago ang Pasko: “Masyado na matagal yun.”

Ayon sa GRP source, “the next batch of political detainees will be released because of humanitarian reasons – many of them will be women, the sick, the elderly and those who have been detained for more than 10 years.”

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Idinagdag ng source na kapwa naghananap ng “legal means” ang mga abogado ng GRP at NDF upang matiyak ang paglaya ng mga nakabilanggo.

Kabilang sa mga ito ang pagpapahintulot sa mga bilanggo na magpiyansa, mabigyan ng pardon ng Pangulong Duterte, o pag-urong ng mga kasong inihain ng gobyerno.

Sa ngayon, mayroon pang 432 political prisoners na iniulat na hiniling ng NDF sa administrasyong Duterte na kaagad palayain.

“May commitment (sa releases) si President Duterte. Tapos nung First at Second Round ng peace talks, in-affirm ng GRP panel yung release of all political prisoners,” sabi ni Benito, ang chairman ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) hanggang sa siya ay maaresto sa Cebu noong Marso 22, 2014. Si Wilma naman ang CPP-NPA Secretary General noon.

Nilinaw rin ni Benito na ang pagpapalaya sa political prisoners ay hiwalay sa isa pang ipinangako ni Duterte na amnestiya sa mga komunistang rebelde.

Kabilang ang mga Tiamzon sa unang 22 detainees na pinalaya ng administrasyong Duterte para makadalo sa First Round ng negosasyon sa Oslo, Norway noong Agosto 22.

Sinisikap ng magkabilang panig na makabuo ng final peace agreement sa unang taon ng Duterte administration.

Sinabi ni GRP Peace Panel member Hernani Braganza na pinag-iisipan ng magkabilang panig ang pagdaos ng supplemental meeting sa Oslo “late November or first week of December” bilang paghahanda sa paglalagda ng bilateral ceasefire.

Tatalakayin sa ikatlong pagpupulong sa Oslo ang mga mekanismo sa deklarasyon ng joint ceasefire agreement.

Ang paglalagda sa joint at pangmatagalang ceasefire ng dalawang panig ay inaasahang maganap sa Third Round ng negosasyon sa Enero 17, at posibleng gaganapin sa Italy. (Rocky Nazareno)