MULING magsasama-sama ang Swedish pop group na ABBA para sa “new digital experience” sa 2018, pagkaraan ng mahigit 30 taon simula nang kanilang huling public performance na magkakasama, inihayag noong Miyerkules.
Makikipag-team up ang mga miyembro ng banda na sina Agnetha Faltskog, Bjorn Ulvaeus, Benny Anderson at Anni-Frid Lyngstad sa bumuo ng American Idol na si Simon Fuller at sa Universal Music Group para sa proyekto.
“We are exploring a new technological world, with Virtual Reality and Artificial Intelligence at the forefront, that will allow us to create new forms of entertainment and content we couldn’t have previously imagined,” pahayag ni Fuller.
Sa mahigit 30 taong career, nahawakan na ni Fuller ang mga mang-aawit na sina Annie Lennox, The Spice Girls, at Amy Winehouse pati na rin ang English soccer player na si David Beckham, tennis player na si Andy Murray, racing driver na si Lewis Hamilton, at ang tatlong nanalo sa American Idol na sina Kelly Clarkson, Carrie Underwood, at David Cook.
Nabuwag noong 1982 ang ABBA, na kilala sa mga hit nito noong 1970s at 1980s na Waterloo, Dancing Queen, at Take A Chance On Me.
“Our fans around the world are always asking us to reform and so I hope this new ABBA creation will excite them as much as it excites me!” saad ni Lyngstad sa isang pahayag.
Ipapahayag ang iba pang mga detalye sa susunod na taon. (Reuters)