Matapos ang matagumpay na kampanya sa World Dragonboat Festival sa Moscow, Russia ay sasagwan naman ang Philippine Canoe Kayak Dragonboat Federation (PCKDF) team sa nalalapit na Asian Dragon Boat Championship and International Club Crew Championship simula Nobyembre 11 at 12 sa Puerto Prinsesa, Palawan.
“This is the first time the Philippines is hosting such a big event – because it will combine two events in one place – the 2016 Asian Championships and International Club Crew championships,” sabi ni PCKDF President Jonnee Go.
Pinaghahandaan ng PCKDF ang paglahok sa susunod na taon na 2017 Malaysia SEA Games gayundin ang 2018 Asian Games kung saan unang isasagawa ang disiplina habang hangad din ng asosasyon na gawing popular ang karera sa bangka para makahanap ng bagong talento at maipromote ang turismo.
“Hindi lang namin gusto ipakita ang husay ng Pilipino sa sports na paddling kundi nais din namin na maipromote ang turismo sa bansa,”sabi ni Go.
Inaasahan ni Go ang paglahok ng 45 miyembro ng PCKDF na masusubok muli kontra karibal sa Asia na Iran, India, Malaysia, Indonesia, Hong Kong, China, Thailand, at Singapore pati na rin ang delegasyon mula sa Germany at United States.
Matatandaan na nagawang magwagi ng PCKDF team ng tatlong ginto, isang pilak at dalawang tanso sa nakalipas na World Dragonboat Festival sa Moscow, Russia.
Paglalabanan sa torneo ang distansiyang 500 metro sa men’s at women’s 20 seater, men’s 10 seater at mixed juniors (15-19 taon), 10 seater sa unang araw at distansiyang 200 metro s men’s crew 20 at 10 seaters, women’s crew 10 seaters at mixed juniors crew 10 seaters sa ikalawang araw.
Gaganapin sa Nobyembre 12 ang International Club Crew na paglalabanan ang men’s crew 20 seater, mixed crew 20 seater, women’s crew 10 seater at mixed masters crew (40 taong gulang pataas) na may 10 seaters.
Huling isasagawa ang men’s club crew 20 seaters, mixed crew 20 seater, men’s at women’s crew 10 seater at mixed masters crew 10 meters. (Angie Oredo)