YAOUNDE (AFP) – Limampu’t limang katao ang nasawi at halos 580 ang nasugatan matapos na madiskaril ang isang pampasaherong tren sa Cameroon nitong Biyernes.
Bumibiyahe mula sa kabiserang Yaounde patungong Douala, nagsisiksikan ang pasahero sa loob ng tren nang mga oras na iyon nang madiskaril ito at magkawatak-watak ang bagon bago sumapit sa sentrong siyudad ng Eseka, ayon sa transport minister na si Edgar Alain Mebe Ngo’o.
Sinabi ni Ngo’o sa CRTV na 55 katao ang kumpirmadong nasawi at 575 iba pa ang nasugatan.
“The cause of the accident is not yet clear,” sabi ni Ngo’o, idinagdag na ilan sa mga nasugatan ay kritikal ang lagay.
Kaagad na nagpadala ng emergency services mula sa kabisera upang tiyaking sapat ang responde sa ligar ng aksidente, bukod pa sa nagsisugod din ang mga bombero mula sa Eseka, ayon kay Doula Regional Governor Dieudonne Ivaha Diboua.
Napasugod din sa lugar ng aksidente ang mga opisyal ng transport ministry.
Nilisan ng tren ang Yaounde dakong 11:00 ng umaga at nadiskaril bago magtanghali may 200 kilometro ang layo sa kabisera, ayon kay Ngo’o.
Partikular na abala ang ruta ng tren nang araw na iyon matapos na gumuho ang tulay sa mismong kalsada na nag-uugnay sa Yaounde at Douala dahil sa magdamagang pag-uulan nitong Huwebes, na nagbunsod ng matinding trapiko, kaya naman mas marami ang sumakay sa tren nang umagang iyon.
Dahil na rin sa matinding epekto ng nagdaang ulan, naging pahirapan din ang paghahatid ng emergency aid para sa mga naaksidente.
