IPINAGDIRIWANG ng World Space Week sa Oktubre 4 hanggang 10 ang space science and technology, sa pagtataguyod ng inobasyon sa space science sa buong mundo, at ang mga kontribusyon sa pagpapabuti ng kondisyon ng mga tao.

Nakatutulong ang selebrasyon para mapagtibay pa ang pandaigdigang kooperasyon sa space outreach at edukasyon.

Idineklara ng United Nations General Assembly ang World Space Week noong Disyembre 6, 1999, sa gabay ng United Nations Committee on the Peaceful Uses of Outer Space at ng United Nations Office for Outer Space Affairs na nakabase sa Vienna, Austria.

Ginugunita ng araw ang dalawang matagumpay na kaganapan na bumuo ng basehan ng batas sa international space: ang Oktubre 4, 1957, nang ilunsad ang kauna-unahang human-made Earth satellite na Sputnik 1, na nagbigay-daan para sa space exploration; at ang Oktubre 10, 1967, ang paglagda sa Outer Space Treaty, na kabilang ang moon at iba pang bahagi ng kalawakan.

Isang oportunidad ang World Space Week para sa mga bansa at sa mga tao na makisali, maturuan ang publiko tungkol sa mga aktibidad sa kalawakan, at himukin ang kabataan at mga bata na matuto sa kapangyarihan ng satellite communications at navigation technology at mga potensyal na oportunidad sa trabaho o propesyon na bukas para sa kanila.

Ang 2016 World Space Week, na may temang, “Remote Sensing: Enabling Our Future”, ay ipinagdiriwang ang obserbasyon ng mundo mula sa kalawakan tulad ng United States Landsat mission at mga trabaho ng mga intergovernmental group tulad ng GEOSS Group para sa kabutihan ng mga tao, na nakatuon sa mga aplikasyong gaya ng pagsubaybay sa kalikasan at agrikultura, land mapping, at bagong teknolohiya, tulad ng mga location-based service.

Bawat taon, ang 73 bansa sa buong mundo ay nagtataguyod ng serye ng mga aktibidad, na inorganisa sa tulong ng United Nations at ng World Space Week Association ng United States, itinatag noong 1981 bilang pinakamatandang non-profit space education organization sa buong mundo, para ipagdiwang ang benepisyong dulot ng kalawakan at ang maibibigay ng space exploration. Kabilang sa mga kaganapan na nagnanais na magbigay ng inspirasyon at humikayat ng interes sa kalawakan, space sciences, at edukasyon ay ang mga rocket workshop, space quiz, school visit, astronomical meet, geocaching, at outreach program ng mga space agency, aerospace company, paaralan, planetarium, museum, at astronomy club sa buong mundo. Noong 2015, nasa 1,900 event ang idinaos sa 73 na bansa, kasama na ang Pilipinas. Sumusuporta ang gobyerno ng Pilipinas, sa tulong ng Department of Education at Department of Science and Technology, sa mga space-themed na programa na kaugnay ng pandaigdigang selebrasyon.