NAGPAHIWATIG ang Rolling Stones na maglalabas sila ng bagong album pagkaraan ng mahigit isang dekada, na tila koleksiyon ng mga cover sa Chicago blues classics.

 

Ginamit ng English mega-rockers ang Twitter para ipahiwatig ito sa post na, “Coming October 6” kasama ang larawan nina Mick Jagger, Keith Richards at iba pang miyembro ng banda na nagja-jamming ng hard blues song na may harmonica.

Hindi na nagbigay ng iba pang detalye ang banda, ngunit ayon kay Don Was, ang US producer na namahala sa studio session ng Stones sa loob ng dalawang dekada, gumawa ang Stones ng album na bersiyon nila sa Chicago blues song.

Tsika at Intriga

'Magkagalit sila?' Dennis, Ruru 'di raw nagpansinan sa set ng 'Green Bones'

 

Nagrekord ng album ang Stones sa loob ng tatlong araw na ang tanging gamit lamang ay simpleng microphone set-up at wala nang iba pang studio touch-ups, sa hangaring mapanatili ang pagiging raw, at authentic feel ng mga kanta, saad ni Was sa French newspaper na Le Figaro noong nakaraang linggo.

 

Nakisali rin sa session ang guitar great na si Eric Clapton na nagrerekord din sa naturang studio, ayon sa producer, na kilala rin sa kanyang banda na Was (Not Was) noong 1980s.

 

Ang binabalak na release ng album sa Biyernes ay kaparehong araw ng pagpapasinaya ng Stones sa Desert Trip, bagong festival sa California na may layong pagsama-samahin ang top living legends sa rock history.

 

Sasamahan ng mga rocker na nasa edad 70 hanggang 79 – isa sa highest-grossing acts sa music business –- sina Paul McCartney, Bob Dylan, Roger Waters, The Who, at Neil Young sa tatlong-araw na festival bill.

 

Hindi pa naglalabas ng studio album ang Rolling Stones simula ng kanilang A Bigger Bang noong 2005, na naglalaman ng mga orihinal na materyal na sumusunod sa blues rock roots ng banda.

 

Gayunpaman, nakapaglabas sila ng mga serye ng kanilang concert recording nitong nakaraang dekada.

 

Madalas na ibinabahagi ni Richards, 72, ang kanyang pagmamahal sa Chicago blues at impluwensiya nito sa kanyang pagtutog ng gitara habang lumalaki sa England. (AFP)