NGAYONG araw ipinagdiriwang ang International Day of Older Persons, na may temang “Take a Stand Against Ageism,” upang kilalanin at pasalamatan ang matatanda sa kanilang kontribusyon sa lipunan. Iminumulat din nito ang tungkol sa mga usaping tulad ng diskriminasyon at pang-aabuso na nakaaapekto sa kanila sa mabilis na pagtanda ng mundo. Ang selebrasyon ay kapareho ng National Grandparents Day sa United States at Canada, Double Ninth Festival sa China, at Respect for the Aged Day sa Japan.

Nananawagan ang tema sa mga gobyerno, indibiduwal, at organisasyon na ikonsidera ang ageism — ang pag-stereotype at diskriminasyon base sa edad — at ang hindi mabuting epekto nito sa matatanda. Isang malaking hamon kung paano nakaaapekto ang ageism sa buhay ng matatanda, na nakararanas na makaligtaan o hindi mapansin sa trabaho, pinaghihigpitan sa mga serbisyo, marginalized at hindi kabilang sa mga aktibidad sa komunidad. Ipinakikita ng isang pag-aaral na ang matatanda na may negatibong pag-uugali tungkol sa ageing ay nababawasan ng 7.5 na taon ang buhay kumpara sa matatanda na may positibong pag-uugali.

Ayon sa World Health Organization (WHO), halos 700 milyong tao ang nasa edad lagpas 60. Pagsapit ng 2050, dalawang bilyong tao, o mahigit 20 porsiyento ng populasyon ng mundo, ang aabot sa edad 60 o mas matanda pa, na hinihigitan ang bilang ng mga bata. Nilalagpasan ng kababaihan ang kalalakihan ng 66 na milyon sa mga taong nasa edad 60 o lagpas pa. Bibilis pa ang pagtaas ng bilang ng matatanda sa mga papaunlad na bansa, sa Asia na may pinakamaraming matatanda.

Sa pagitan ng 1950 at 2010, tumaas ang life expectancy sa buong mundo, mula sa edad 46 ay naging 68, at maaari itong tumaas pa sa 81 sa pagtatapos ng siglo.

Mahalaga ang datos upang pangalagaan at trabahuhin ang seguridad ng matatanda na minsan ay napapabayaan at hindi napapansin ng lipunan. May mga karapatan ang matatanda—para magtrabaho, sa kalusugan, at makilahok sa proseso ng pagdedesisyon, pantay na oportunidad sa trabaho, at social protection.

Ang resolusyon ng World Health Assembly na maiuugnay sa WHO Global Strategy and Action Plan on Ageing and Health, na pinagtibay noong Mayo 2016, ay naghahangad ng kooperasyon para labanan ang ageism at matamo ang pangunahing layunin na mapabuti ang araw-araw na karanasan ng matatanda, at mapalakas sila para lubos na makilahok sa economic, political, at sa social life ng lipunan.

Maiuugnay ang pagtanda sa maraming sakit at problema sa kalusugan, kabilang dito ang rayuma, panlalabo ng paningin, dementia, depression at cancer. Pinapayuhan ang mga taong lagpas 60 taong gulang na magkaroon ng health check-up; supplement diet na may mga prutas at gulay; magpanatili ng tamang timbang; magkaroon ng regular na ehersisyo; at makilahok sa mga panlipunan at kultural na aktibidad.