ANG World Heart Day, na ginugunita tuwing Setyembre 29 ng bawat taon, ang pinakamalaking pagtitipon sa mundo laban sa cardiovascular diseases (CVDs), na kinabibilangan ng atake sa puso, alta-presyon, angina, stroke, at rheumatic heart diseases. Iniimbitahan ang mga gobyerno, indibiduwal, pamilya, komunidad at organisasyon sa buong mundo para makibahagi sa mga aktibidad na nagtataguyod sa kalusugan ng puso, magkaisa laban sa CVD, at magbigay-inspirasyon upang magkaroon ng pandaigdigang pagkilos na hihimok sa pamumuhay na magsusulong ng malusog na puso.

Tinatayang umaabot sa halos kalahati ng mga pagkamatay dahil sa non-communicable disease ay dahil sa CVDs, kaya naman ito ang nangunguna sa pagkitil ng buhay sa mundo na umaabot sa 17.5 milyon kada taon, at nasa 90 porsiyento nito ay naitala sa papaunlad na mga bansa. Maaari itong maiwasan sa pagkontrol at pangangasiwa sa mga pangunahing risk factor — pagtaas ng presyon ng dugo, cholesterol, at glucose levels; paninigarilyo; kakulangan sa pagkain ng prutas at gulay; sobrang katabaan o obesity; pagkonsumo ng alak; hindi pagkonsumo ng masusustansiyang pagkain at kawalan ng pisikal na aktibidad. Tumataas ang panganib sa mga bata sa pagkakalantad nila sa mga risk factor, tulad ng unhealthy diet o sa panganib na dulot ng usok ng sigarilyo.

Ang tema ng 2016 World Heart Day na “Power Your Life” ay nakatuon sa maaaring gawin ng lahat para mapalakas ang kanilang puso at buhay — sa pagsasagawa ng regular na ehersisyo, pagkakaroon ng stress management technique tulad ng yoga, at pagkontrol sa timbang sa pagkakaroon ng masustansiyang diet.

Pinangungunahan ng World Health Organization (WHO) at ng World Heart Federation (WHF) ang mga awareness event — regular na pagpapasuri ng kalusugan, pag-oorganisa ng mga walkathon, takbuhan, at fitness session, sports tournaments, scientific forums—sa mahigit 100 bansa, kabilang ang Pilipinas, para imulat ang publiko sa mga panganib ng CVD, at matulungang bumuo ng pandaigdigang kultura ng kalusugan upang mabawasan ang kamatayan dahil sa CVDs.

Inilunsad ng WHO ang World Heart Day noong 2000 para imulat ang mga tao tungkol sa CVDs, kung paano maiiwasan at makokontrol ito. Layunin ng “25by25” na programa na mabawasan ang premature CVD mortality sa 25% at maiwasan ang 80% na premature CVD deaths, sa pamamagitan ng life-saving measures para makontrol ang panganib kahit sa kabataan at mga bata. Itinataguyod ng WHF, na may 200 organisasyong miyembro, kabilang ang Pilipinas, ang pagbibigay ng impormasyon, ideya, at kaalamang siyentipiko sa mga taong nangangasiwa sa sakit sa puso at nagsusulong ng pag-iwas at pagkontrol sa sakit sa pamamagitan ng masustansiyang diet, pag-eehersisyo at pag-iwas sa paninigarilyo o paglanghap ng usok nito.

Nagtutulungan ang Department of Health (DoH) at ang Philippine Heart Association (PHA) sa mga programa, advocacy campaign, at iba pang pagsisikap para mapabuti ang cardiovascular health. Ang CVDs, na pangunahing dulot ng alta-presyon, ang nangungunang sanhi ng pagkakasakit ng mga Pilipino. Ginugunita ng DoH at PHA ang World Heart Day sa pamamagitan ng libreng blood sugar, cholesterol at blood pressure screening, pagtukoy sa body mass index at sukat ng waist circumference, at pagsasagawa ng electrocardiograms.

Para maisulong ang kalusugan ng puso, iminumungkahi nila ang pangangasiwa sa stress, tamang pagkain, pagiging aktibo, pagpapanatili ng tamang timbang, pag-iwas sa alak, paghinto sa paninigarilyo, at pagsasagawa ng 30-minutong mabilisang paglalakad araw-araw. Ayon sa mga eksperto sa medisina, ang mga hindi nag-eehersisyo ay doble ang posibilidad na magkaroon ng sakit sa puso, kumpara sa mga taong pisikal na aktibo.