MASYADONG maaga pa upang husgahan ang panunungkulan ng mga miyembro ng Gabinete ni Pangulong Duterte. Gayundin ang iba pang opisyal na itinalaga sa iba’t ibang puwesto. Maaaring ang ilan sa kanila ay naninibago sa kanilang tungkulin; na ang kanilang mga kuwalipikasyon ay hindi angkop sa misyon na dapat nilang gampanan. Dapat lamang asahan na sila ay putaktihin ng mga pagtuligsa — isang bagay na ‘tila hindi naman makatarungan sa new appointees.

Sa pagtalakay ng gayong situwasyon sa Duterte Cabinet, wala akong tutukuying sinumang bagong hirang na opisyal, lalo na ngayong kamakailan lamang sila nagsimulang manungkulan. Manapa, nais lamang nating bigyang-diin na ang nagaganap sa kasalukuyang Gabinete ay naranasan din ng nakalipas na mga administrasyon. Ibig sabihin, ang pagpili sa mga miyembro ng tinaguriang official family ay maihahalintulad sa sugal na may kaakibat na suwerte at kamalasan; suwerte kung ang napiling mga opisyal ay huwaran sa paglilingkod at nagbibigay ng dangal sa administrasyon, at kamalasan naman kung ang mga nahirang ay pabigat o liability at pasimuno sa mga katiwalian na nagbibigay-dungis sa pangasiwaan.

Sa aking pagkakatanda, walang sinuman sa nakaraang administrasyon — mula kina Presidente Cory Aquino, Fidel Ramos, Erap Estrada, Gloria Arroyo at PNoy Aquino — ang hindi giniyagis ng gayong nakadidismayang mga karanasan.

Mismong mga naging Pangulo ng bansa ang malimit magpahiwatig na totoong mahirap mamili ng mga itatalaga sa Gabinete, lalo na kung hinahangad nila ang matitinong opisyal na magiging katuwang sa paglikha sa isang malinis na gobyerno.

Ang naturang pananaw ay nakaangkla sa kulturang pampulitika na tulad ng pagtanaw ng utang na loob. Paanong matatanggihan ang isang naghahangad maging Cabinet member kung ito ay nakatulong nang malaki sa pagkakaluklok ng Pangulo; kahit na nakapag-aalinlangan ang mga kuwalipikasyon nito? Bigla kong naalala ang barbero ng naging Pangulo na sinasabing hinirang bilang direktor ng isang korporasyon ng gobyerno.

Bukod dito, totoong hindi mapapahindiang ang mga kaalyado ng Pangulo sa anumang puwesto na nais ng mga ito — tulad ng mga naging kamag-aral, kamag-anak, kabarkada at mga kabalikat sa makatuturang misyon. Kapag naitalaga na ang mga ito, lalong nagiging mahirap sa isang Pangulo na sila ay sipain sa puwesto kahit na ang kanilang pananatili ay nagbubunga ng katakut-takot na pagtuligsa sa administrasyon.

Dapat na lamang magkaroon ng delicadeza ang sinumang appointee na tanggapin ang puwesto na angkop lamang sa kanilang kakayahan. (Celo Lagmay)