Apat na hinihinalang drug pusher ang naaresto sa buy-bust operation sa Tarlac City, habang dalawa namang magde-deliver umano ng shabu ang dinampot sa checkpoint sa Zaragoza, Nueva Ecija, nitong Biyernes.
Sa ulat ni Insp. Wilhelmino Alcantara kay Tarlac City Police Chief Supt. Bayani Razalan, kinilala niya ang mga naaresto sa buy-bust na sina Oliver Alonzo, 38, may asawa, ng Block 6, Barangay San Roque; Rommel De Jesus, 36, ng Bgy. Buhilit; Melbourne Bugayong, 46, may asawa, ng Bgy. Tibag; at Edgar Bognot, 39, may asawa, ng Block 5, Bgy. San Roque, pawang sa Tarlac City.
Nabatid na bilang poseur buyer ay nakabili si PO1 Kerwin Mercado Puno ng isang transparent plastic sachet na may 0.061 gramo ng hinihinalang shabu kay Alonzo kapalit ng P500 marked money, habang naaktuhan naman sa pot session sina De Jesus, Bugayong at Bognot.
Nakumpiskahan din ang mga suspek ng lima pang transparent plastic sachet ng iba’t ibang gramo ng shabu at drug paraphernalia.
Sa Nueva Ecija, nabulilyaso naman ang pagde-deliver nina Lito Ocampo y Bernardo, 44, magsasaka, ng Bgy. Isidro, Zaragoza; at Rafael Reyes y Macaspac, 36, magsasaka, ng Bgy. Panabingan, San Antonio, ng droga nang masakote sila sa checkpoint sa Bgy. Pantoc sa Zaragoza.
Iniulat ni PO3 Rodelio Gutierrez na nakumpiskahan ang mga suspek ng tigalawang heat-sealed transparent plastic sachet ng shabu at marijuana fruiting tops. (Leandro Alborote at Light Nolasco)