BAGAMA’T manaka-naka ko lamang ginugunita ang deklarasyon ng martial law mahigit na apat na dekada na ang nakalilipas, hindi ko malilimutan na ito ay kasing-kahulugan ng pagkalumpo ng peryodismo; na ang kalayaan sa pamamahayag ay kinitil kasabay ng pagkamatay ng demokrasya ng Pilipinas.

Magkahalong kilabot at matinding panlulupaypay ang lumulukob sa aking kamalayan tuwing anibersasyo ng martial law na ipinatupad ng rehimen ni Presidente Marcos noong Setyembre 21, 1972.

Kabilang tayo sa mangilan-ngilang peryodista na mistulang nilusob ng militar sa editorial office ng Manila Times – Daily Mirror – Taliba; halos ipagtabuyan kami palabas ng gusali ng naturang tanggapan na kaagad naman nilang kinadaduhan – hudyat ng pagsisikil sa karapatan sa pamamahayag.

Matindi ang ating panlulupaypay sapagkat inihudyat naman iyon ng pagkagutom ng ating mga mahal sa buhay; biglang pinutol ang pinanggagalingan ng ating ikinabubuhay. Lahat ng media outfit ay isinara ng naturang malupit na rehimen.

Subalit hindi ito naging dahilan upang tayo ay manlamig sa pagtupad ng ating misyon bilang mga lehitimong miyembro ng tinaguriang Fourth Estate.

Katunayan, lalong nag-alab ang ating hangaring laging ipagtanggol ang press freedom – ang pinakamakapangyarihang sandata laban sa mga pagmamalabis ng mga lingkod ng bayan. Sa kabila ito ng katotohanan na marami rin tayong mga kapatid sa propesyon na ipinadakip, pinahirapan at ikinulong sa mahabang panahon.

Sa paggunita ng martial law, ang madilim at malagim na yugto sa ating kasaysayan, hindi na natin sasalangin ang mga detalye ng nabanggit na rehimen.

Tulad, halimbawa, ng mga alegasyon na libu-libo ang naging biktima ng paglabag sa karapatang-pantao o human rights; ang mga dinukot na hanggang ngayon ay hinahanap subalit hindi na matultulan at pinaniniwalaang matagal nang pinagpapatay.

Maraming dekada na ang nakararaan subalit ang ganitong nakakikilabot na mga eksena ay nagaganap pa rin sa iba’t ibang dako ng kapuluan; sa kabila ito ng ipinangangalandakang pagbabalik ng demokrasya sa bansa.

Kabi-kabila na rin ang pagpaslang sa mga mamamayan, tulad ng kahindik-hindik na Maguindanao massacre at iba pang extrajudicial killings (EJK) laban sa mediamen.

Hanggang ngayon, wala pa akong natatandaang media killer na nahatulang mabilanggo.

Sa kabila nito, lagi nating binibigyang-diin na ang ating mga kapatid sa propesyon ay hindi lamang mananatiling nagmamatayag sa anumang paglabag sa press freedom; higit nating paigtingin ang paglalantad ng katotohanan, lalo na ngayon na pinagtibay na ang Freedom of Information Act sa pamamagitan ng isang Executive Order. Maiiwasan na ang ganap na pagkalumpo ng peryodismo. (Celo Lagmay)