ANG paglutas sa mga pinakaseryosong problema ng bansa ay nangangailangan ng kooperasyon ng mamamayan. Hindi maaaring nagrereklamo lamang tayo at hindi naman kumikilos.

Isa sa mga pangunahing problema ng bansa ay ang ilegal na droga, na pinagtutuunan ng pansin ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte. Mahigit 8,000 barangay ang sinasabing apektado ng ilegal na droga, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency. Sa Metro Manila, sinasabing 92 porsyento ng mga barangay ay apektado ng problemang ito.

Sinusuportahan ng aming pamilya, sa pamamagitan ng Villar Foundation, ang pagsisikap ng pamahalaan na sugpuin ang problemang ito at tulungang magbagong-buhay ang mga nalulong sa droga.

Habang ipinagpapatuloy ng pamahalaan ang kampanya laban sa droga, nais naming magbigay ng oportunidad sa mga naghahangad na magsimula ng panibagong buhay.

Tamang-tama ito sa pananaw naming mapaunlad ang farm tourism o turismo sa bukid sa bansa. Sa isang nakaraang pitak, tinalakay ko ang inisyatibo ng aking maybahay, si Senadora Cynthia A. Villar, at ng Villar Social Institute for Poverty Alleviation and Governance (SIPAG), sa pagtatatag ng Urban Farm School sa Bacoor, Cavite noong isang taon.

Sa paaralang ito ay tinuturuan ang mga lalaki at babaeng interesado sa pagsasaka sa tamang pagtatanim at pag-aalaga ng gulay at iba pang mahahalagang pananim.

Mula nang buksan noong Setyembre 2015, marami nang nagawang pagsasanay ang Villar SIPAG Farm School sa produksiyon ng gulay, kabute, pag-aalaga ng hayop, pagtatanim ng matamis na mais, orchid, kawayan, cut flower at beekeeping sa mga magsasaka mula sa Metro Manila at karatig na lalawigan.

Kamakailan, nagsagawa ng pagsasanay sa pag-aalaga ng baboy ang SIPAG, katuwang ang Agricultural Training Institute (ATI) ng Department of Agriculture sa Region IV-A. Lumahok dito ang 50 magsasaka mula sa Parañaque, Las Piñas, Laguna, Cavite, Muntinlupa, at Rizal. Binuksan din namin ang isa pang paaralan sa pagsasaka sa San Jose del Monte City sa Bulacan upang magsagawa ng pagsasanay sa mga magsasaka mula sa Gitnang Luzon.

Sa aking pananaw, magagamit ang proyektong ito sa rehabilitasyon ng mga nalulong sa droga. Dalawang layunin ang makakamit ng estratehiyang ito: una, mabibigyan ng kaalaman at kabuhayan ang mga pasyente; pangalawa, mapatitibay ang pagpapaunlad sa agrikultura sa bansa.

Kaugnay ng pagsisikap na ito, nagsumite si Cynthia ng isang panukalang-batas upang pababain ang gastos sa rehabilitasyon at dagdagan ang mga rehabilitation center. Umaasa ako na ipapasa ng ating mga mambabatas ang lehislasyong ito.

Sa pagkakaalam ko, mahigit 600,000 gumagamit ng droga ang sumuko dahil sa maigting na kampanya ng Philippine National Police at iba pang ahensiya. Ang tagumpay na ito ay dapat malakipan ng pagbibigay ng oportunidad sa mga sumuko upang tuluyang magbagong-buhay.

Iniutos na ni Pangulong Duterte ang pagdaragdag ng pasilidad para sa rehabilitasyon, ngunit alam natin na limitado ang kakayahan ng pamahalaan. Nagagalak din ako sa plano ng Department of Health na isama ang dalawang-linggong drug rehab program sa mga serbisyong ginagastusan ng PhilHealth.

Mahalaga ang mga inisyatibong ito ng pamahalaan, ngunit dito maaaring tumulong ang pribadong sektor. Ang kontribusyon ng Villar Foundation ay ang pagsasanay sa mga dating lulong sa droga upang maging magsasaka. 

(Para sa komento o reaksiyon sumulat sa: mbv.secretariat@gmail o bisitahin ang www.mannyvillar.com.ph.)

(Manny Villar)