ANG Setyembre ay panahon ng pamumulaklak ng mga talahib sa mga bundok, gubat at parang. Mapapansin na ang mapuputing bulaklak ng talahib ay tila kumot sa parang kung hindi sumisimoy ang hanging Habagat.

Ngunit kapag humihip na ang Habagat, ang mga bulaklak ay banayad na sumasayaw. Ang mga nalalagas na talulot ay kasamang inililipad ng hangin.

At sa kasaysayan naman ng iniibig nating Pilipinas, ang Setyembre 21, 1972 ay isang mahalagang araw sapagkat ginugunita ang martial law na ipinatupad sa pamamgitan ng pagpapairal ng Proclamation 1081.

Ang martial law ang sumupil at sumikil sa mga karapatan at kalayaan ng sambayanang Pilipino. Itinuring na madilim na bahagi ng ating kasaysayan.

Ang paliwanag at katwiran ng diktador sa kanyang “Notes on the New Society”, binigyang-diin niya na hindi siya naging pangulo para pamunuan ang pagkamatay ng Republika ng Pilipinas, bagkus nais niyang sagipin ang Demokrasya. Kasunod na inilunsad ang “Bagong Lipunan”. Ngunit sa pagpapairal ng martial law ng diktador, inagaw ang dalawang mahalagang elemento ng buhay ng mga Pilipino—ang KALAYAAN at DEMOKRASYA.

At sa pamamagitan ng kanyang mga General Order, naipasara ang Kongreso, nakontrol ang Korte Suprema. Naipasara rin ang mga television at radio station.

Dinakip at ikinulong ang lahat ng mga kalaban sa pulitika tulad nina Senador Francisco Soc Rodrigo, Ninoy Aguino, Jose Diokno, Jovito Salonga at iba pa. Namahay din sa kulungan ang mga makabayang broadcaster at matapang na mga peryodista.

Ang martial law ay tumagal ng 14 na taon. Ang nagpatupad nito na tila mga masunuring aso ng diktador ay sina dating Pangulong Fidel V. Ramos na hepe noon ng Philippine Constabulary at Senador Juan Ponce Enrile na Defense Minister.

Nagdrama pa si Enrile bago idineklara ang martial law na inambus umano sa Greenhills.

Ang tambolero o drumbeater ng Malacañang ay si dating Senador Kit Tatad na ang mukha niya ang laging nakikita sa telebisyon at naririnig sa radyo kapag may mga bagong Presdential Decree ang diktador.

Ang martial law ay pinabagsak ng EDSA PEOPLE POWER REVOLUTION na ang sandata ng mga Pilipino ay pagkakaisa, dasal at mga bulaklak. 

Sa Rizal, hindi na malilimot ang Martial Law. Dagok sa kasaysayan ng lalawigan sapagkat sa pamamagitan lamang ng isang Presidential Decree ay naagaw ng 12 mayaman at maunlad na bayan sa Rizal masunod lamang ang kapritso ni Imelda Romualdez Marcos na maging governor ng binuong Metro Manila.

Naghirap ang lalawigan ng Rizal. Mabuti na lamang at hindi nasira ang loob ng mga sumunod na namuno sa lalawigan na sina dating Rizal Gov. Ito Ynares, Jr. at Congressman Bibit Duavit at iba pang lider sa Rizal. Nagtulung-tulong upang maibangon ang lalawigan para sa susunod na henerasyon. 

Sa paggunita ng martial law, ipagdasal natin ang mga nagbuwis ng buhay lalo na ang “Desaparecidos” o mga dinukot ng militar na naglaho.

Ipagdasal din ang pamilya ng diktador na nais pa siyang ipalibing sa Libingan ng mga Bayani na sana ay humingi na sila ng tawad sa sambayanang Pilipino. (Clemen Bautista)