SA mga lalawigan sa ating bansa, karamihan sa patrones ay ang Mahal na Birhen. May iba’t ibang tawag sa Mahal na Birhen. Ngunit siya ay iisa— ang Ina ng ating Mananakop at espiritwal na ina ng lahat ng tao. Masaya, makulay at makahulugang ipinagdiriwang tuwing sumasapit ang kanyang kapistahan.

Sa Rizal ay kilala ang Nuetra Senora de la Paz o Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay na nakadambana sa katedral ng Antipolo. Dinarayo ng mga deboto tuwing Mayo.

May Mahal na Birhen ng Manaoag sa Pangasinan na dinarayo rin ng mga deboto. May Birhen ng Guadalupe na ipinagdiriwang ang kapistahan tuwing ika-12 ng Disyembre. Sa Iloilo ay may Mahal na Birhen ng del Pilar. May Birhen ng Aranzasu sa San Mateo, Rizal. Sa Pakil, Laguna ay may Birhen ng Dolorosa. May Birhen ng Sto. Rosario sa simbahan ng Sto. Domingo sa Quezon City. Sa Obando Bulacan ay may Birhen ng Salambao. Sa Taal, Batangas ay may Birhen ng Caysasay. Sa Tuguegarao ay ang Birhen ng Piat. Sa Lipa, Batangas ay ang Our Lady Mediatrix of All Grace.

Sa Bicol, kilala naman ang Mahal na Birhen ng Peñafrancia na tuwing sasapit ang ikatlo ng Sabado/Linggo ng Setyembre ay masayang ipinagdiriwang ang kapistahan. Ang Kapistahan ng Birhen ng Peñafrancia ang isa sa pangunahing kapistahan ng Pilipinas na idinaraos sa Naga City. Libu-libong tao na may debosyon sa Birhen ng Peñafrancia ang dumadalo sa kapistahan kabilang ang mga balikbayang Bicolano, mga dayuhan at lokal na turista. Sinasabing ang malalim na debosyon ng mga taga-Bicol sa Mahal na Birhen ng Peñafrancia ay ang puso ng kapistahan. Ang siyam na araw na nobena ay bahagi na rin ng kultura at tradisyon sa Bicol region.

Bago simulan ang nobena tuwing ikalawang Biyernes ng Setyembre, ang imahen ng Mahal na Birhen ng Peñafrancia at ng Divino Rosario (mukha ni Kristo) ay kinakarga ng nakayapak na mga lalaki na tinatawag na “voyadore”. Inililipat mula sa Peñafrancia shrine sa Metropolitan cathedral. Ang bahaging ito ng tradisyon ay tinatawag na “translacion” o paglilipat.

Matapos ang siyam na araw na nobena, tampok sa Kapistahan ng Birhen ng Peñafrancia ang fluvial procession sa Ilog ng Naga hanggang sa Basilica.

Sa gilid o tabi ng tatlong kilometrong ilog, nakatayo ang maraming tao at mga deboto at nanonood ng fluvial procession. May mga hawak na kandila at nagdarasal habang dumaraan ang imahen ng Mahal na Ina o ng Birhen ng Peñafrancia na lulan sa isang pagoda at hinihila ng maliliit na bangka.

Ayon sa mga Bicolano, ginagabayan sila ng Mahal na Birhen ng Peñafrancia at kumakawatan sa kanila ang kanyang anak na si Jesus. Naniniwala rin sila na pinoprotektahan at inililigtas ng Poong Maykapal, lalo na kapag may bagyong paparating, ang kanilang buhay, tahanan at sakahan. (Clemen Bautista)