BACOLOD CITY – Magsasagawa ng kilos-protesta ang mga martial law survivor sa Negros Occidental laban sa panukalang ilibing si dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Sinabi ng beteranong mamamahayag na si Edgar Cadagat na isasagawa ang protesta sa Setyembre 21, kasabay ng ika-44 na anibersaryo ng deklarasyon ni Marcos ng batas militar.
Ayon kay Cadagat, chairman ng Mothers and Relatives Against Tyranny and Repression (Martyr-Negros), magsisimula ang martsa sa Rizal Elementary School patungong Fountain of Justice, sa lugar ng dating munisipyo ng Bacolod.
Iginiit ng Martyr-Negros na dapat na ilibing sa Ilocos ang dating diktador, sa halip na sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City.
Isa sa pinakamalalagim na insidente sa Negros Occidental noong panahon ng batas militar ang Escalante massacre.
Setyembre 20, 1985 nang 20 katao ang masawi at masugatan ang nasa 30 iba pa nang hinarang ng puwersa ng gobyerno ang libu-libong raliyista, kabilang ang mga estyudyante, mga magsasaka at mga sakada o manggagawa sa tubuhan. Nangyari ito sa bisperas ng ika-13 anibersaryo ng deklarasyon ng batas militar.
Iginiit din ng Marytr-Negros na daan-daang paglabag sa karapatang pantao ang nangyari sa lalawigan noong panahon ng martial law, kabilang dito ang pagdakip at pagpapahirap sa “Negros Nine”—tatlong paring Katoliko at anim na manggagawa. (Carla N. Canet)