CITY OF SAN FERNANDO, Pampanga – Kinasuhan na kahapon ng double murder at rape ang 21-anyos na lalaki kaugnay ng pamamaslang sa isang guro at sa 10-anyos nitong anak nitong Martes, sa Lubao, Pampanga.

Inaresto si Ronnel “Shao” Canilao ng mga operatiba ng Lubao Municipal Police, sa pangunguna ni Chief Insp. Michael Masangkay, Lubao Police chief, sa loob ng isang motel sa Barangay Sto. Tomas, dalawang araw matapos mangyari ang krimen.

Sa report kay Police Regional Office (PRO)-3 Chief. Supt. Aaron Aquino, sinabi ni Masangkay na inamin ng suspek na ginahasa nito si Jenny Pineda-Garcia, 41, guro sa pampublikong paaralan, bago pinagsasaksak ng ilang beses sa bahay nito sa Bgy. San Jose Gumi.

Pinatay din ni Canilao ang anak na lalaki ni Jenny na si Dwayne Joss Garcia, 10, sa pamamagitan ng paggilit sa leeg nito, ayon sa police report.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Nabawi mula sa suspek ang mga alahas, isang cell phone, isang iPad at P10,000 cash na ninakaw umano niya mula sa bahay ng mag-ina. (Franco G. Regala)