IDINARAOS ang 31st International Coastal Cleanup (ICC) ngayong Setyembre 17, 2016, ang ikatlong Sabado ng buwan, sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Pinakikilos ng ICC, ang pinakamalaking volunteer event para linisin ang karagatan, ang daan-daang libong nagboluntaryo mula sa halos 90 bansa, kabilang ang Pilipinas, upang linisin ang mga dumi at kalat sa dalampasigan, baybayin, ilog, lawa, daluyan ng tubig, at diving sites at upang magtala ng mga datos sa nakolektang kalat at isulong ang kamalayan sa lumalalang problema sa ekolohiya.

Sinimulan ang ICC noong 1986 ng Ocean Conservancy (OC) sa Washington, isang non-government group na nagtataguyod ng malusog at magkakaibang ocean ecosystem sa pagtuturo at paghimok sa mamamayan na kumilos para sa mga karagatan. Noong 2015, mahigit 800,000 ang nagboluntaryo sa mundo para sumali sa ICC at nakakolekta ng mahigit 18 million pounds ng basura mula sa mga dalampasigan at daluyan ng tubig, karamihan ay mga pambalot ng pagkain, upos ng sigarilyo, straws, stirrer, soda cans, at plastic bags.

Saklaw ng karagatan ang 71 porsiyento ng mundo; tahanan ng iba’t ibang yamang-dagat, na pinagkukuhanan ng pagkain at maaaring makabawas sa epekto ng climate change. Nanganganib ang lagay ng karagatan dahil sa marine debris; kada taon, hindi mabilang na marine mammals, gaya ng mga pagong at seabirds ang kung hindi nasusugatan ay naiipit, o namamatay dahil sa mga itinapon na plastic, lambat, pamingwit, plastic caps, at lighters. Higit pa sa hindi maganda sa paningin, ang basura sa karagatan ay nagdudulot ng panganib sa kalusugan ng tao, na sumisira sa wildlife, dinudumihan ang marine environment at nakaaapekto sa ekonomiya. Ngayon, may tinatayang 270,000 toneladang plastic ang lumulutang sa dagat.

Nakibahagi ang Pilipinas sa ICC noong 1994 at hanggang ngayon ay aktibong nakikilahok sa cleanup at pagkolekta ng datos. Nagtutulungan ang Philippine Coast Guard (PCG) Auxiliary at ICC-Philippines para sa kaganapan, kasama ang Departments of Environment and Natural Resources, Interior and Local Government, at Education bilang mga pangunahing katuwang.

Noong 2003, kinilala ng bansa ang ikatlong Sabado ng Setyembre ng bawat taon bilang National ICC Day, alinsunod sa Proclamation No. 470 na inilabas noong Setyembre 15, 1994. Sa loob ng 22 taon, umabot na ang bilang ng mga Pilipinong nagboluntaryo sa 703,000 mula sa 3,000 na naglinis sa 54,411 kilometrong baybayin, daluyan ng tubig, ilog, lawa, at pusod ng karagatan. Ang bansa ang laging pumapangalawa sa mundo sa may pinakamaraming volunteer, kasunod ng United States.

Hihingi ng tulong ang National ICC Day 2016, na may temang, “Bayan Ko, Linis Ko: Bayanihan para sa Malinis na Karagatan,” sa mga magboboluntaryo mula sa Biodiversity Management Bureau, sa PCG, sa Boy Scouts of the Philippines, sa mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila, at sa Coastal Cleanup Philippines para sa sabay-sabay na pangongolekta ng basura, at pagtatanim ng puno at bakawan sa baybayin ng Manila Bay sa Cavite, sa Freedom Island sa ecotourism area ng Las Piñas, sa seaside area ng Baywalk, sa Roxas Boulevard at sa iba’t ibang dalampasigan sa ilang probinsiya.