NGAYON ang ikalabinlimang araw ng ikawalong buwan ng Lunar calendar. Kilalang paniniwala ng mga Chinese na magiging pinakamaliwanag ang buwan ngayong gabi. Ang lunar phenomenon na ito ay simula ng selebrasyon ng Chinese Mid-Autumn Festival. Mooncake ang tampok na pagkain sa pagdiriwang, kaya naman tinatawag ang okasyon na Mooncake Festival.

Ang mooncake ay makapal na pastry na may iba’t ibang laman, kabilang ang sesame seeds, beans, nuts, at yolk ng itlog na pula, na kumakatawan sa buwan. Mayroon itong masining na disenyo sa ibabaw na naglalarawan sa alamat ng pagdiriwang. Tradisyunal na hugis bilog ang mga mooncake dahil ang Mid-Autumn Festivals ay panahon para sa mga family reunion, at ang salitang “round” ay may kaparehong pagkakabigkas sa salitang Chinese para sa “reunion.”

Sa kasagsagan ng Mooncake Festival, tradisyunal na nagtitipun-tipon ang mga pamilyang Chinese sa labas ng kanilang tahanan para pagmasdan ang buwan habang kinakain ang masarap na hinating mooncake at may kasamang mainit na tsaa.

Madalas na pinapayagan ang mga bata na manatiling gising hanggang madaling araw at magsaya habang pumaparada hawak-hawak ang makukulay na parol. Isa rin itong romantikong gabi para sa mga magkasintahan.

Matutunton ang pagdiriwang sa dinastiyang Shang (17th century BC-1046 BC) at Zhou (1046-256 BC) na ngayon ay probinsya ng Jiangsu at Zhejiang, makapal sa gitna at manipis sa gilid ang mga unang mooncake. Noong Han Dynasty (202 BC-220 AD), naipakilala ang sesame at walnuts sa China, at pinuno ang round cookies ng mga ganitong sangkap. Unang ginamit ang pangalang “moon cake” noong Tang Dynasty (618-907 AD), ang taguring naging kilala sa buong mundo.

Naipakilala ang kaugalian sa pagkain ng ganitong cookies sa kasagsagan ng Mid-Autumn Festival noong Ming Dynasty (1368-1644 AD).

Ito rin ang panahon na naglimbag ng kuwento ang mga gumagawa ng cookie tungkol sa “Chang E’s Flying to the Moon” sa ibabaw ng masarap na pagkain, na nagpatindi pa sa popularidad ng cookie sa mga karaniwang tao. Kabilang sa iba pang alamat at kuwento na maiuugnay sa pagdiriwang ang Jade Rabbit Pounding Machine, Wu Gang Chopping a Laurel Tree, at Zhu Yuanzhang, at ang Moon Cake Uprising. Naging sikat ang Mooncake Festival hindi lang sa mga Chinese kundi sa mga Pilipino na inaantabayanang sumapit ang okasyon para makatikim ng masarap na delicacy.

Binabati natin ang ating mga kapatid na Chinese sa loob at labas ng bansa sa pagdiriwang ng 2016 Mooncake Festival.

Habang tinitikman natin ang masarap na pagkain, pinapahalagahan natin ang naging papel nito sa kasaysayan ng mga Chinese na nagsisilbing inspirasyon para panatilihin ang kaugalian na ibinabahagi natin sa mga kapatid na Chinese sa pag-aalay ng pasasalamat sa Source of Prosperity at pagpapanatili na malapit sa isa’t isa at nagmamahalan ang pamilya.