INIAALAY ko ang pitak na ito sa mga biktima ng pagsabog sa Davao City noong Setyembre 2, 2016. Ilang araw pagkaraan ng trahedya, nakatuon ang pansin ng mamamayan ng Davao sa paghuli sa mga salarin upang pagbayaran ang malagim na krimen.

Ngunit ang ibig kong talakayin sa pagkakataong ito ay kung paano mabibigyan ng kahulugan ang kamatayan ng 15 na namatay at maraming iba pang nasugatan bilang makabuluhang gawa ng kabayanihan sa ngalan ng kapayapaan at pagkakasundo.

Ang tanong: Paano natin ito gagawin? Tinatawag nating bayani ang mga tao na dahil sa kanilang ginawa ay napabuti ang buhay ng kapwa. Halimbawa, itinuturing kong isang bayani ang aking Nanay Curing dahil sa kanyang mga sakripisyo upang mabigyan ng mabuting kinabukasan ang kanyang mga anak.

Sa pagkakataong ito, ang tinutukoy ko ay ang uri ng kabayanihan na nakaaapekto sa maraming tao sa lipunan. Ito ang dahilan kung bakit itinuturing nating mga bayani ang mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa. Ang kanilang mga sakripisyo ang nagsalba sa ekonomiya ng Pilipinas sa pagbagsak sa harap ng mga krisis sa bansa at sa daigdig.

Bilang mga bayani, hindi kailangang ipagpatayo ng monumento ang mga biktima ng bomba, o ilimbag ang kanilang mga mukha sa salapi. Ang kailangan ay mga reporma na magbibigay ng halaga sa kanilang kamatayan.

Inaasahan ko, halimbawa, na dahil sa kanilang kamatayan, mas magiging mabuti ang pagtingin natin sa kapwa, kapitbahay man o banyaga.

Ang pagiging magalang at magiliw ang isa sa mga napansin kong katangian ng mga Japanese tuwing namamasyal ako at aking pamilya sa kanilang bansa. Sa mga nakaraang panahon, nakilala rin ang mga Pilipino bilang magalang at maawain.

Natitiyak ko na marami pa rin sa atin ang ganito, ngunit nalilimutan ng iba dahil sa mga pabigat na dala ng makabagong pamumuhay.

Ang demokrasya ay nakasalig sa ideya na maaaring nating pag-usapan ang ating pagkakaiba at ang ating kinabukasan bilang isang bayan.

Suportahan natin ang usapang pangkapayapaan. Kung totoo na ang layuning pagpapasabog sa Davao ay upang magkaroon ng de-estabilisasyon, lalong dapat nating isulong ang kapayapaan sa Mindanao dahil ang kahulugan nito ay kapayapaan para sa buong bansa.

Ang pagkabigo ng proseso ng kapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng mga rebeldeng Muslim at Komunista ay isang oportunidad para sa mga gustong magwasak sa ating mga komunidad.

Sa huli, kailangan nating magkaisa dahil ito ang pinakamahalaga nating armas laban sa mga terorista. Ang pagbangon natin mula sa trahedya sa Davao bilang nagkakaisang bayan ang magbibigay ng karangalan para sa mga nagbuwis ng buhay.

(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph) (Manny Villar)