“ITO ay malayang bansa. Walang sino man ang may karapatang turuan ako. Diyos ko. Huwag mong gagawin ito. Magkakagulo tayo kapag ginawa mo ito sa akin.

“Ayaw kong makipag-away kay Obama, pero ayaw kong lumabas na ako ay may obligasyon kaninuman.”

Bahagi ito ng sagot ni Pangulong Rodrigo Duterte sa tanong ng isang reporter kung paano niya ipaliliwanag ang extrajudicial killings kay US President Barrack Obama. Naganap ito sa isang news conference na isinagawa bago siya lumipad patungong Laos. Ang Amerika kasi ay nagpakita ng pagkabahala sa dumaraming summary execution sa kampanyang ginagawa ni Pangulong Digong laban sa mga sangkot sa droga. Eh, galit siya sa bumabatikos sa kanyang madugong pamamaraan sa pagsugpo sa tinatawag niyang “pandemic” na 3 milyong Pilipino ang gumagamit ng shabu.

Nang makarating ang tinuran ni Pangulong Digong kay Pangulong Obama habang ito ay nasa Hangzhou, China, sinabi nito sa news conference na inatasan na niya ang kanyang staff kung magiging makabuluhan pa kung makikipag-usap siya sa Philippine leader. “Colorful guy,” pabirong sinabi ni Obama patungkol kay Pangulong Digong.

Nang mahimasmasan si Pangulong Digong, humingi naman siya ng paumanhin kay Obama. Hindi naman pinersonal ito ni Pangulong Obama, bagamat pinakansela niya ang napipinto sana niyang pagkikipag-usap kay Pangulong Digong. Pero, hindi naging maganda ang epekto nito sa iba. Si dating Sen. Hillary Clinton, na ngayon ay tumatakbong Pangulo ng Amerika, ay kinatigan si Pangulong Obama sa ginawa nitong pagpapaliban sa pakikipag-usap kay Pangulong Digong. Isyu naman itong pinalaki ni Donald Trump, na katunggali ni Clinton sa panguluhan, para sa kanyang kandidatura. Ganito raw ang lideratong ibinibigay ng administrasyong Obama sa mga ibang bansa. Ang Amerika na pinakamalakas na bansa sa buong mundo ay hindi na iginagalang ng mga kapwa niya bansa. Sina Obama at Clinton ay nasa Democratic Party, samantalang si Trump ay Republican Party. Kung sa mga naunang survey, malaking puntos ang inilamang ni Clinton kay Trumph, ngayon nangunguna siya kay Clinton. Isa sa nakatulong dito ay ang ginawa ni Pangulong Digong kay Obama.

Malaya man ang Pilipinas, hindi dapat ganito ang inasal ni Pangulong Digong. Hindi sa tapang at lupit ng pananalita laban sa pinuno ng banyagang bansa maipapakita ang kalayaan ng isang bansa. Sa gawa at pagtanggi sa polisiyang nais ipatupad nito sa iyong bansa na sa akala mo ay hindi makabubuti rito ang mahalaga. Kasing-halaga rin nito ang diplomasya, ang paggalang mo sa kapwa mo kahit hindi mo sinasang-ayunan ang sinabi o nais niyang sabihin sa iyo. Ang kapayapaan ay higit na makakamit ng mga bansa sa relasyon nila sa bawat isa sa pamamagitan nito. (Ric Valmonte)