NAGDIRIWANG ngayon ang mga Katoliko at may mabubuting puso para sa canonization o pagdedeklarang santo ni Pope Francis kay Mother Teresa of Calcutta sa seremonya sa Vatican. Ang madreng Albanian na nag-alay ng kanyang buhay sa paglilingkod sa pinakamahihirap ay mapapabilang na ngayon sa mga santo na nasa langit.

Sadyang kaloob ng Diyos ang kanyang canonization na isasagawa habang ipinagdiriwang ang Extraordinary Jubilee of Mercy. Sa kanyang buhay, ipinakita ni Mother Teresa ang pagiging maawain ng Diyos sa tao sa pamamagitan ng kanyang paglilingkod sa mga nangangailangan at sa kanyang pangangalaga at malasakit sa mahihirap at napabayaan sa lipunan.

Kahit noong nabubuhay pa siya, tinagurian na siya bilang “living saint.” Inihayag ni Saint John Paul II, ang pope na nagbasbas kay Mother Teresa noong 2003: “The cry of Jesus on the Cross, ‘I thirst’ (Jn. 19:28), expressing the depth of God’s longing for man, penetrated Mother Teresa’s soul and found fertile soil in her heart.”

Sinasabi na wala naman talagang karapat-dapat na maging santo sa kanyang sariling kahusayan. Ito ay tangi lamang sa pagpapala at kahabagan ng Ama na kinakaya ng tao na sundin ang kalooban ng Diyos at tanggihan ang lahat ng tukso sa mundo. Isang konkretong halimbawa si Saint Mother Teresa kung paano tunay na pinakikilos ng Diyos ang tao tulad natin na sugatan ngunit ginagamit pa rin ng Diyos para ipakita ang kanyang kahabagan at malasakit sa tao sa buong kasaysayan. Ordinaryong kalalakihan at kababaihan ang mga santo, na sa kabila ng mga balakid at kabiguan ay nagawang bumangon at mabago sa kapangyarihan at kahabagan ng Diyos.

Tumugon si Mother Teresa sa panawagan ng Diyos at naglingkod sa “little ones” sa lipunan. Itinatag niya ang kongregasyon ng kababaihan na inialay ang serbisyo para tulungan ang pinakamaliliit, mga walang masulingan, at mga kapus-palad. Sa proseso sa pagtulong sa mahihirap, nagsimula niyang masumpungan ang kasagutan sa kanyang mga tanong kung paano pinapayagan ng Diyos na ang masasamang kaganapan ay mangyari sa mga ganitong uri ng tao. Gayunman, sa kanyang puso, alam niya na naririnig ng Diyos ang mga panaghoy ng mahihirap. Hindi talaga sila iniiwan ng Diyos.

Kasama nila ang Diyos sa kanilang paghihirap. Ang kanyang mga kapwa tao lamang ang tunay na nakalilimot na kapatid din nila ang mahihirap.

Ngayong araw, habang ipinagdiriwang natin ang canonization kay Saint Mother Teresa of Calcuta, nawa’y isabuhay natin ang ating kasiyahan para sa mga napabayaan at mahihirap na labis niyang pinahahalagahan. Iabot natin ang ating tulong sa kanila at sikaping makamit ang hustisya ng mundo.

Minsan nang sinabi ni Saint Mother Teresa: “Give until it hurts no more.” Ang pagkakaloob ay hindi nangangahulugan ng pagbibigay lamang sa mga pangangailangan. Nangangahulugan din ito ng pagsisilbing boses ng mga walang kakayahan at paninindigan para sa kanilang kapakanan. Inspirasyon ang diwa ni Saint Mother Teresa, patuloy tayong manindigan at ibigay ang sarili para sa serbisyo ng mga nangangailangan.