HALOS apat na buwan na ang nakalipas matapos ang eleksiyon sa bansa — Mayo 9 — mayroong lumilinaw na pagkakasundo sa pinakamatataas na opisyal ng bansa na pinakamainam na ipagpaliban ang barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections na nakatakda sa Oktubre 31, wala nang dalawang buwan mula ngayon.
Isa sa mga dahilan ay ang “fiscal prudence”, ayon kay House Minority Leader Danilo Suarez. Gagastos ng P3.4 bilyon sa pagsasagawa ng malawakang halalan, aniya, at kailangan ng bagong administrasyon ng pondo para sa maraming proyekto.
Maaaring hindi na ipursige pa ang mas mataas na buwis—gaya ng pagtataas ng VAT mula sa kasalukuyang 12 hanggang 15 porsiyento — kung matitipid naman ang P3.4 bilyon.
Tinutulan ng ilan ang pagpapaliban sa halalang pambarangay sa dahilang mangangahulugan ito ng pagpapalawig sa termino ng mga opisyal ng barangay na inihalal noong 2013, na magsisilbi pa ng karagdagang isa hanggang dalawang taon nang walang bagong mandato para sa mamamayan. Dapat na walang awtomatikong pagpapalawig sa termino ng mga kasalukuyang opisyal. Kung ipagpapaliban ang eleksiyon, mas makabubuting magtalaga si Pangulong Duterte ng mga interim barangay at Sangguniang Kabataan chairman.
Hayagan namang idinelara ni Speaker Pantaleon Alvarez na naniniwala siyang tanging ang chairman lamang, hindi ang mga kagawad, ang nagsisilbi sa isang barangay. Gayundin, aniya, wala naman talagang ginagawa ang mga Sangguniang Kabataan chairman at mga miyembro ng konseho, dahil nagsisipag-aral pa ang mga ito. Dagdag pa niya, mayroon nang isang party-list organization na kumakatawan sa kabataan ng bansa sa Kongreso.
Mismong si Pangulong Duterte ay pabor na ipagpaliban dalawang eleksiyon sa dalawang dahilan. Ang una ay ang gastusin.
Ang isa pa, nasa kalagitnaan ng proseso ang bagong administrasyon ng pagtatalaga ng mga opisyal sa iba’t ibang tanggapang ehekutibo sa iba’t ibang panig ng bansa, at ang mga pagtatalagang ito ay ipinagbabawal tuwing panahon ng halalan.
Sa lahat ng kadahilanang ito, posibleng maipagpaliban nga ang eleksiyong itinakda sa Oktubre 31, 2016, at idaos na lamang sa huling Lunes ng Oktubre 2018. Naghain na si Sen. Alan Peter Cayetano ng panukala sa Senado na may ganitong epekto, samantalang ilang panukala at resolusyon na ang naihain sa Kamara. Sinabi ni Speaker Alvarez na maghahain siya ng sarili niyang resolusyon, bagamat hindi pa siya nakapagdedesisyon kung kailan ang pinakamainam na panahon upang idaos ang halalang pambarangay.
Umaasa si Commission on Elections Chairman Andres Bautista na maidaos na lamang ang eleksiyon sa 2017, dahil kung sa 2018 ay masyado na itong malapit sa regular midterm elections sa Mayo 2019.
Ang mahalaga ay gawing maagap ang pagdedesisyong ito para sa kapakinabangan ng lahat ng kinauukulan—ang mga botante, ang mga kandidato, ang Comelec, ang bagong administrasyon, at ang bansa sa kabuuan na tatanggap ng pansamantalang pahinga mula sa masalimuot — at minsan ay marahas — na paghaharap tuwing eleksiyon sa Pilipinas.