SA dalawang-araw na imbestigasyon na pinangunahan ng Senate Committee on Justice and Human Rights, idinetalye ni Director General Ronald “Bato” dela Rosa, hepe ng Philippine National Police (PNP), ang mga pagtatagumpay ng PNP sa nakalipas na mga linggo alinsunod sa kampanya ng administrasyong Duterte laban sa droga.
Iniulat ni Dela Rosa na may 1,160 napatay sa mga operasyon ng pulisya laban sa droga simula noong Hulyo 1. Ang kabuuang bilang ng mga namatay ay 1,916 — na nangangahulugan na 756 na iba pa ang nasawi dahil sa kagagawan ng mga hindi pa kilalang suspek, posibleng mga grupong vigilante group, o maaari ring resulta ng alitan ng mga drug gang.
May kabuuang 11,784 naman ang naaresto, habang 673,978 gumamit at nagbenta ng droga ang sumuko sa mga awtoridad.
Tinaya ng pulisya sa 1.3 milyon ang kabuuan ng mga gumagamit ng droga sa bansa.
Mula nang magsimula ang mga pinaigting na operasyon ng pulisya, sinabi ni Dela Rosa na ang kabuuang dami ng krimen—gaya ng pagnanakaw, panggagahasa, pisikal na pananakit, at pang-uumit—ay bumaba ng 31 porsiyento kumpara noong nakaraang taon. Malinaw na maisasakatuparan ng bagong administrasyon ang ipinangako ni Pangulong Duterte noong kampanya na pagsisikapan nitong pigilan ang krimen, partikular na ang may kinalaman sa droga, sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan.
Kasabay nito, sa pamamagitan ng pagsisiyasat ng Senado ay natuon ang atensiyon ng publiko sa mga posibilidad ng pag-abuso sa kampanya ng pulisya laban sa droga. Ilang kaanak ng mga sinasabing inosenteng biktima sa mga operasyon ng pulisya ang tumestigo sa pagdinig ng Senado upang manawagan ng hustisya. Sinikap nilang maitago ang kani-kanilang pagkakakilanlan sa pamamagitan ng pagsusuot ng bandana at malalaking de-kulay na antipara, nangangambang gantihan sila ng mga taong kanilang inaakusahan.
Nagsagawa naman ng kilos-protesta nitong Miyerkules ang samahan ng mahihirap, ang Katipunan ng Damayang Mahihirap, sa Camp Crame, iginiit na nauwi na sa nakatatakot na antas ang extrajudicial killings. Naglabas na rin ng pahayag ang Amnesty International at tinawag ang pag-uulat ni Dela Rosa ng libu-libong pagpatay ng mga pulis at ng mga hindi nakilalang salarin bilang “terrifying proof that the law-enforcement authorities have failed in their duty to respect and protect the right to life.”
Mayroon na ring mga kaparehong kritikal na pahayag mula sa United Nations, gayundin mula sa gobyerno ng United States, na umani naman ng pagkondena mula mismo kay Pangulong Duterte, sinabing may mga insidente rin ng pagpatay ang mga pulis sa Amerika laban sa mga itim. Nagbanta rin siyang titiwalag ang Pilipinas sa UN, ngunit kalaunan ay sinabi niyang galit lamang siya sa pinaniniwalaan niyang wala sa lugar na pagbatikos sa kanyang gobyerno at hindi naman niya talagang hangad na tumiwalag sa UN.
Mayroon ding iba pang usapin na may kaugnayan sa pag-iimbestiga ni Senador De Lima at ito ay ang akusasyon ni Pangulong Duterte sa isang panayam na mismong ang senadora ay nasa tinatawag niyang “matrix” ng mga sangkot sa mga operasyon ng droga sa Bilibid, kasama ang isang kongresista, isang dating justice undersecretary, at isang retiradong opisyal. Magsasagawa na ang Kamara ng sarili nitong pagsisiyasat sa usapin.
Ang problema sa droga ay nauuwi na sa sanga-sangang isyu at hindi pa masasabi kung paano ito magtatapos.
Naisakatuparan na ng imbestigasyon ng Senado na pinamunuan ni Senator De Lima ang layunin nitong maliwanagan ang mga pangyayari, kabilang ang posibilidad ng mga pag-abuso sa mga operasyon ng pulisya. Umasa tayong makatutulong ito upang maiwasan ang mga nasabing pag-abuso upang kalaunan ay kilalanin ang kasalukuyang kampanya laban sa droga bilang tunay na natatanging tagumpay ng administrasyon nang hindi nababahiran ng anumang paglabag at pag-abuso.