BUKAS (Lunes, Agosto 29) ipagpapatuloy ni Winnie Monsod ang kanyang panayam kay PNP Chief Ronald “Bato” dela Rosa sa Bawal Ang Pasaway Kay Mareng Winnie.
Sa part two ng kanilang one-on-one interview, inilahad ni Dela Rosa na hindi siya mangingimi na sumuway sa utos ng presidente kung alam niyang hindi ito tama.
Marami pang uungkatin si Mareng Winnie tungkol sa mga operasyon ng PNP kontra droga katulad na lang ng dahilan kung bakit inalis pansamantala ang mga taga-Bureau of Corrections at pinalitan ng SAF (Special Action Forces) sa pagbabantay sa NBP.
Kampante ang PNP Chief na hindi masusuhulan ng drug lords ang mga miyembro ng SAF para makapagpatuloy ng pagbebenta ng droga sa Bilibid dahil buo ang tiwala niya sa mga ito.
Sasagutin din ni Dela Rosa ang pagbatikos sa kasalukuyang administrasyon na tila may espesyal na pagtrato sa mayayaman o big time na taong sangkot sa droga kumpara sa mahihirap na drug user, na napapatay sa operasyon ng pulisya. Depensa ng PNP Chief, karamihan kasi ng mga sibilyan na mahihirap na namamatay ay nanlalaban sa mga awtoridad.
Sa kabilang banda, inamin ni Dela Rosa noong nakaraang Lunes na naging pilyo rin siya noong hindi pa kasal sa kanyang asawa na si Nancy.
Abangan lahat ng ito sa Bawal Ang Pasaway Kay Mareng Winnie ngayong Lunes, 10:15 PM, sa GMA News TV.