RITA copy

NAPANOOD namin ang episode ng Pinoy Big Brother Season 7 na ini-report ng isa sa mga housemate na si Heaven Peralejo kay Kuya na may nakikita siyang ‘puti-puti’ sa buhok ni Badjao Girl (Rita Gabiola).

Hindi namin nakitaan ng pandidiri si Heaven kundi concerned lang siya kasi nga katabi nila sa pagtulog si Rita at baka nga naman magkahawaan sila.

Hiningi ni Heaven ang tulong ng housemate ding si Kristine para i-check kung ano nga ‘yung nasa ulo ni Rita at nakumpirmang bukod sa ‘lisa’ ay may balakubak din ang dalagita.

Human-Interest

ALAMIN: Gaano katagal bago mapanis mga hinandang pagkain noong holiday?

Hindi ipinaalam nina Heaven at Kristine sa ibang housemates at kay Rita ang misyong ibinigay sa kanila ni Kuya na binigyan sila ng special shampoo at suklay para pamatay ng ‘lisa.’

Sa ganang amin ay normal ito sa mga nagdadalaga lalo na kung laging nasa ilalim ng araw at hindi laging gumagamit ng shampoo at conditioner at higit sa lahat, ‘yung nakikihiram ng suklay at tuwalya dahil dito nagsisimula ang mga tumutubong anik-anik sa katawan.

Hindi naman kakaiba ang kaso ni Rita dahil sa nakaraang PBB All In ay may housemate ring may ganito at alam naman ng lahat iyon, si Loisa Andalio.

Hindi ikinahiya ni Loisa ang pagkakaroon niya ng ‘kuto’ dahil kaagad din itong nagawan ng paraan at kita n’yo naman ngayon ang dalaga, kaliwa’t kanan na ang projects at ang dami-dami ring may crush.

Kaya huwag pandirihan ang taong may ‘lisa o kuto’ dahil nagagamot naman ito at lahat ay pinagdaanan ito habang nagdadalaga.

At higit sa lahat, unawain na lang si Badjao Girl dahil mas uunahin naman talaga niyang bumili ng makakain nila kaysa sa personal na pangangailangan noong namamalimos pa siya bago nadiskubre. (Reggee Bonoan)