Iniutos na ng Department of Justice (DoJ) na kasuhan ang 88 miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at mga rebeldeng grupo kaugnay ng pagpatay sa 44 na miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) noong Enero 25, 2015.
Ayon sa DoJ, kasong direct assault with murder ang kahaharapin ng 88 respondent na pawang miyembro ng 118th Base Command ng MILF, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at ilan pang grupong armado na nakabase sa Maguindanao.
Gayunman, sinabi ng DoJ na sakop lamang ng paghahain ng nabanggit na kaso ang 35 sa 44 na nasawi sa SAF dahil wala pang mga testigo na makapagtuturo sa mga suspek sa pagkamatay ng siyam pang police commando sa engkuwentro sa Barangay Pidsandawan sa Mamasapano, Maguindanao.
Enero 25, 2015 nang lusubin ng mga miyembro ng SAF ang kubo na pinagtataguan ng international terrorist na si Zulkifli bin Hir, alyas Marwan, pero pinaulanan sila ng bala ng mga kasapi ng MILF, BIFF at iba pang armadong grupo.
(BETH CAMIA)