Nakasamsam ng 11 kilo ng hinihinalang shabu ang pulisya sa isinagawang raid sa bahay ni Mayor Rolando Espinosa, Sr. sa Sitio Tinago, Barangay Binulho sa Albuera, Leyte, kahapon ng umaga.

Sinabi ni Supt. Jovie Espinido, hepe ng Albuera Municipal Police, na dakong 6:45 ng umaga nang gawin ang pagsalakay sa bisa ng search warrant na ipinalabas ng Albuera Regional Trial Court (RTC).

Batay sa taya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), sinabi ni Police Regional Office (PRO)-8 Operations Division chief Senior Supt. Domingo S. Cabillan na aabot sa P88 milyon ang halaga ng nasamsam na hinihinalang shabu mula sa bahay ng alkalde.

Nauna rito, dakong 5:00 ng hapon nitong Martes, ay nakasamsam na ng mga armas sa bahay ni Espinosa kasunod ng tip na natanggap ng pulisya.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Sinabi ni Chief Insp. Maria Bella Rentuaya, tagapagsalita ng Eastern Visayas Regional Police, na nasamsam mula sa bahay ng alkalde ang isang submachine gun, isang .45 caliber pistol na may 100 bala, tatlong magazines assembly para sa .45, isang granada, isang handheld radio, tatlong unit ng CCTV camera, bandoliers at holster.

KINASUHAN NA

Kasabay nito, kinumpirma kahapon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na pormal nang kinasuhan sa Provincial Prosecutor’s Office si Mayor Espinosa at ang anak nito at sinasabing drug lord sa Eastern Visayas na si Rolan “Kerwin” Espinosa kaugnay ng unang beses na pagsalakay sa bahay ng alkalde noong nakaraang linggo.

Sinabi ni Chief Insp. Elizabeth Jasmin, tagapagsalita ng CIDG, na sinampahan na ng mga pag-iingat ng droga (paglabag sa RA 9165, Comprehensive Dangerous Drugs Act) at illegal possession of firearms ang mag-ama.

Matatandaang anim na lalaking tauhan umano ng mga Espinosa ang napatay sa nasabing raid.

Nakabalik na sa Leyte ang alkalde makaraang sumuko sa Philippine National Police (PNP) headquarters sa Camp Crame, at bagamat nagpadala na ng surrender feelers si Kerwin ay hindi pa rin ito lumalantad, at sinasabing nasa Malaysia pa.

(FER TABOY at AARON RECUENCO)