WALANG duda, mabuti ang hangarin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang kampanya laban sa ilegal na droga na pupuksain sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan. Wala ring duda na nasilo niya ang imahinasyon at paghanga ng mga botante noong May 9 elections nang ipangako niya sa mga Pinoy na bukod sa pag-liquidate sa mga drug lord, pusher at user, itutumba rin niya ang mga kriminal, tatagpasin ang kurapsiyon sa gobyerno at ipakakain ang kanilang mga bangkay sa isda.
“Mabuhay ka, Digong, sige sugpuin mo ang illegal drugs sa bansa,” hiyaw ng 16.6 milyong botante sa Pilipinas. Gayunman, may pangamba ngayon ang mga mamamayan na baka nagiging overkill ang kampanya ni RRD sa pagpuksa sa illegal drugs dahil mula nang siya’y maluklok sa puwesto, mahigit sa 800 tao na ang napapatay ng mga pulis o vigilantes na nakikisabay sa drug war ni Mano Digong.
May mga report din na may napatay ang mga pulis na hindi naman drug pushers o users kundi mistaken identity lamang o nadamay sa operasyon. Gayundin din, may mga riding-in-tandem na basta na lang bumabaril sa suspected drug pushers-users na nasa listahan ng mga barangay o dili naman kaya ay binabaril ang mga biktima dahil personal nilang kaaway.
Dahil dito, tumayo sa bulwagan ng Senado si Sen. Leila De Lima, kritiko ni Duterte, at tahasang inakusahan ang Duterte administration sa pagpapairal ng tinawag niyang DIY Justice o “Do-it-Yourself” na hustisya. Ito raw ay walang iba kundi ang walang habas na pagsalakay ng mga pulis sa mga lugar na may watch list ng drug pushers, tandisang pagratrat sa kanila sa katwirang nanlaban daw. Tanong ng isang broadcaster: “Eh, kung nanlaban, bakit laging .38 caliber pistol ang nasa tabi ng bangkay at konting sachet ng shabu, at hindi man lang nagurlisan ang kahit isang miyembro ng raiding team.”
Habang sinusulat ko ito, may 27 local officials daw ang nasa listahan na sangkot sa illegal drugs. Hindi ko pa alam kung kailan ihahayag ni Mano Digong kung sinu-sino sila tulad ng paghahayag niya noon sa umano’y limang “narco generals” na protektor ng drug lords at pushers. Bakit kaytagal ng paghahayag? Dahil kaya ang iba sa kanila ay mga kakilala at kaibigan ng pangulo sapagkat siya ay dati ring alkalde at nakatalamitam niya ang mga ito sa kanilang mga pagpupulong?
Bahag ang buntot ng isang suspected drug lord sa Visayas, Albuera, Leyte na si Mayor Rolando Espinosa Jr. nang sumuko kay PNP Chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa sa Camp Crame. Inaming natakot siyang mapatay matapos mag-isyu ng 24-hour. Ang anak na si Kerwin, itinuturing drug lord sa Eastern Visayas, ay hindi pa sumusuko o nahuhuli, pero nagpasabi raw na handa nang sumurender.