Nina Elena Aben at Beth Camia
Patuloy na humahaba ang listahan ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa mga taong sangkot sa illegal drug trade, kung saan pinakahuli ay mga trial court judge at congressman naman umano.
Sa kanyang talumpati sa Armed Forces of the Philippines (AFP) Central Command (Centcom) headquarters sa Camp Lapu–Lapu, Cebu City noong Biyernes, sinabi ng Pangulo na ilalabas din niya ang pangalan ng mga hukom at kongresista.
Kasabay nito, sinabi ng Pangulo na wala siyang intensyong ipahiya o siraan ang mga sangkot, sa halip ay ikinatwiran nitong obligasyon umano niya sa bayan na ihayag ang mga nangyayari sa bansa.
“If I read the names now of the judges, which I will in a few hours, few days, may mga congressman, it’s not because gusto ko silang siraan,” ani Duterte.
“Hindi ko kilala ito. Pati mga police, judges, mga congressman. But it behooves upon me, nandito sa akin ‘yun obligasyon, to tell the Filipino people of what is happening to this country,” dagdag pa nito.
Sa harap ng mga sundalo, sinabi rin ng Pangulo na masyadong marami ang kumpirmadong adik sa bansa.
Dahil dito, hinihiling ng Pangulo na maglaan ng espasyo sa kanilang kampo upang gawing rehabilitation center.