Isang Filipino-Indian na umano’y supplier ng party drugs sa ilang lugar sa Metro Manila ang nalambat ng mga tauhan ng District Anti-Illegal Drugs (DAID) ng Southern Police District (SPD) sa ikinasang buy-bust operation sa Makati City, kahapon ng madaling araw.
Agad idiniretso sa detention cell ng SPD headquarters sa Fort Bonifacio, Taguig City ang dayuhang si Aaron Nari Gidwani, 30, ng Kalipayan Homes, Barangay Cupang, Muntinlupa City, upang isailalim sa imbestigasyon.
Sa ulat na natanggap ni acting SPD director, chief Supt. Tomas Apolinario, dakong 1:00 ng madaling araw kahapon nang dakpin ng mga pulis ang suspek sa Makati Avenue, Bgy. Urdaneta, Makati City.
Isang police asset ang umano’y nagpanggap na buyer ng ecstacy tablets na nagkakahalaga ng P3,000 mula kay Gidwani na naging dahilan ng kanyang pagkakaaresto.
Nakumpiska ang 50 kahon ng Ketamine, isang uri ng liquid cocaine, ecstacy tablets, walong plastic bag ng pinatuyong marijuana at ilang sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P50,000.
“Karamihan sa mga kliyente ni Gidwani ay pawang dayuhan at kabataan na nagtutungo sa mga high-end clubs at bars sa Rockwell sa Makati at Bonifacio Global City sa Taguig,” sambit ni Apolinario.
Matagal na umanong minamanmanan ng mga awtoridad ang ilegal na gawain ng dayuhang suspek at malimit umano nitong isinasagawa ang transaksiyon sa mga mall sa Makati at Taguig.
Paliwanag ni Gidwani, gamot umano niya ang mga nakumpiskang ebidensiya dahil mayroon umano siyang Attention Deficit Hyperactivity Disorder (ADHD) ngunit bigo siyang mapatunayan ito.
Nakatakdang isailalim sa inquest proceeding si Gidwani sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (BELLA GAMOTEA)