Napilitang isara pansamantala ang isang mall sa Cubao Quezon City matapos sumiklab ang apoy nitong Miyerkules ng hapon.
Ayon kay Quezon City Fire Marshall Supt. Jesus Fernandez, nagsimula ang apoy dakong 5:25 ng hapon sa electrical management room sa basement ng SM Cubao, sa P. Tuazon Avenue, Araneta Center.
Sinabi ni Fernandez, base sa inisyal na imbestigasyon, na maaaring faulty electrical wiring ang sanhi ng sunog.
Agad sinabihan ang mga empleyado at customer na lisanin ang limang palapag na gusali sa mabilis na pagkalat ng usok at mabahong amoy sa paligid ng establisimyento.
Limang department store clerk ang nilapatan ng first aid dahil sa hirap sa paghinga, kabilang na ang isang lalaki na pansamantalang hindi nakalabas sa elevator.
“Nailabas naman po siya agad and conscious din po siya. Pinagpahinga lang po natin sa ambulansya, hindi naman serious,” pahayag ni Fernandez.
Aabot sa 30 bumbero ang rumesponde sa sunog na umabot sa ikalawang alarma. Ito ay naapula dakong 7:40 ng gabi.
Sinabi ng management na mananatiling sarado ang SM Cubao hanggang sa muling maibalik ang kuryente at muling masiguro ang kaligtasan. (Vanne Elaine P. Terrazola at Jun Fabon)