Mga laro ngayon

(Hsinchuang Gym)

1 n.h. -- US vs Korea

3 n.h. -- Japan vs India

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

5 n.h. -- Egypt vs Taiwan-B

7 n.g. -- PH-Mighty Sports vs Taiwan-A

Pitong import ng PH-Mighty Sports, makakaliskisan ng Taiwanese.

NEW TAIPEI, Taiwan – Klaro na hindi pahuhuli sa taas, bilis at laki, higit sa karanasan ang pitong import ng Philippine-Might Sports Apparels.

Ngunit, makakaagapay kaya sa kanila ang local players?

Masasagot ang katanungan sa opening game ng PH-Might team laban sa Taiwan-A sa pagratsada ng Williams Jones Cup ngayon, sa Hsinchuang gym dito.

Pamilyar sa Pinoy cage fans ang mga pangalang Al Thornton, Vernon Macklin, Zach Graham, Michael Singletary at Hamadi N’Diaye – pawang nakapaglaro sa PBA sa magkakahiwalay na pagkakataon.

Kapwa naman batak sa Korean Basketball League (PBL) ang dalawang reinforcement na sina Dewarick Spencer at Troy Gillenwater.

Sa taas ng 6-foot-4, hindi lamang mahusay na point guard si Spencer kundi isang eksplosibong player sa open court tulad ng 6-foot-7 na si Gillenwater.

Sa papel, liyamado ang PH-Mighty na suportado rin ng Scratch It Pera-Pera Agad-Agad! at Symarom.

Kumpiyansa si Mighty Sports coach Bo Perasol na isang matibay na koponan ang maasahan ng Pinoy sa torneo na minsan na ring nadomina ng Philippine Team.

“We’re almost ready,” sambit ni Perasol, head coach din ng University of the Philippines sa pagbubukas ng UAAP season. “We practiced some of our offensive plays and they did quite well. Hopefully we can do much better in the game proper,” aniya.

Sa kabila nang inaasahang pagdagsa ng local crowd para suportahan ang host team, magaan ang loob ni Perasol na malalagpasan ng Mighty ang hamon ng karibal, gayundin ng pito pang karibal na maghahangad sa titulo sa one-round elimination tournament.

Makakaharap ng Mighty ang Taiwan-A sa huling laro ng quadruple header sa ganap na 7:00 ng gabi.

“We have to treat each game like a do-or-die if we want to finish on top,” sambit ni Perasol. “But I know it’s not going to be easy.”

Pangungunahan ang Taiwanese squad ng mga beterano at deadly shooter na sina Tien Lei, Chen Shinian, Lin Chih-Chieh, at Lu Cheng-Ju.

Kasunod na makakaharap ng Mighty Sports ang Korea sa Linggo, US sa Martes, at Japan sa Miyerkules. (REY C. LACHICA)