Sumailalim kahapon sa inquest proceedings para sa kasong parricide at attempted parricide sa Muntinlupa City Prosecutor’s Office ang lalaking sinasabing gumagamit ng ipinagbabawal na gamot matapos niyang patayin sa saksak, gamit ang basag na salamin, ang sariling ina at ikinasugat naman ng kanyang ama nang tangkaing ipagamot ang suspek sa albularyo nitong Sabado ng gabi.
Nakakulong sa detention cell ang suspek na kinilalang si Arnel Corres, 32, ng Barangay Tunasan, Muntinlupa City.
Ilang tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang sanhi ng pagkamatay ng kanyang inang si Sonia, 54, habang nasugatan sa braso ang ama niyang si Adimo, 52.
Sa ulat ng Muntinlupa City Police, nangyari ang insidente habang naglalakad ang mag-asawang Sonia at Adimo kasama ang suspek sa Barangay Tunasan.
Dadalhin sana ng mag-asawa ang suspek sa isang albularyo dahil sa suspetsang sinasapian ng masamang espiritu ang kanilang anak lalo na’t ilang araw ng hindi natutulog ito na labis na ipinag-alala ng mag-asawa.
Nakakita umano ang suspek ng basag na salamin at kanyang dinampot at pinagsasaksak ang sariling magulang na naging dahilan ng agarang pagkamatay ni Sonia.
Inaresto ng mga pulis ang suspek matapos ang krimen.
Sa pulisya, inamin ng suspek ang pananaksak sa magulang.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung lango sa ilegal na droga ang suspek nang mangyari ang insidente. (Bella Gamotea)