Isang umano’y international hacker ang naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isinagawa nitong anti-illegal drugs operation sa Las Piñas City.
Sa isang pulong balitaan, kinilala ni NBI Interpol Division Chief Atty. Ferdinand Lavin, tagapagsalita ng NBI, ang naaresto na si Edgar Silvano alyas Boy Tattoo.
Ang pagdakip ay isinagawa kasunod ng pagsisilbi ng search warrant na inisyu ni Las Piñas City Regional Trial Court Executive Judge Salvador Timbang Jr., sa bahay ni Silvano sa Barangay Almanza Uno.
Nasamsam sa operasyon ang dalawang transparent plastic bag na naglalaman ng white powdered substances at drug paraphernalia.
Lumabas sa pagsisiyasat ng NBI Forensic Division na positibo sa shabu ang mga nasamsam na paraphernalia.
Nakuha rin mula sa bahay ni Silvano ang daan-daang credit card na may iba’t ibang pangalan, bank book, laptop at computer na ginagamit sa ilegal na transaksyon.
Ayon kay NBI Anti illegal drugs Division Chief Joel Tuvera, si Silvano ay dating myembro ng grupo ng mga hacker sa Pilipinas na Oneball pero humiwalay ito at bumuo ng sariling hacking group.
Nabatid na dati na ring nakulong si Silvano sa Hong Kong dahil sa pag-hack sa mga confidential data ng HSBC Bank.
Sinampahan na ang suspek ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act at Republic Act 8484 o Access Devices Regulation Act of 1998. (Beth Camia)