NEW YORK (AP) – Nagbabala ang health officials ng New York City laban sa panganib ng paggamit ng synthetic marijuana na K2 matapos mahigit dalawang dosenang katao ang nagkasakit sa lumalabas na mass drug overdose sa isang sulok ng lungsod.
Nangyari ito noong Martes sa Bedford-Stuyvesant sa pamayanan ng Brooklyn.
Iniulat ng mga saksi na nakita nila ang mga biktima na nakahiga sa sidewalk, nanginginig at nakasandal sa mga punongkahoy at fire hydrants.
Sinabi ng pulisya na 33 katao ang dinala sa mga ospital ngunit hindi naman malubha. Hindi agad malinaw kung anong droga ang kanilang nilulon, ngunit sinabi ng ilang biktima na humitit sila ng K2.