ANG Antarctic ozone layer, na nagpoprotekta sa planeta mula sa mapanganib na ultraviolet rays, ay nagpapakita ng mga senyales ng paghihilom, ayon sa pananaliksik na inilathala sa journal na Science.

Itinuturo ng mga siyentista ang isang pandaigdigang polisiya na siyang nasa likod ng nasabing paghilom. Ang polisiya ay binuo halos tatlong dekada na ang nakalipas at epektibong nabawasan ang produksiyon ng mga kemikal na nakabubutas sa ozone layer. Ang nasabing kasunduan—ang 1987 Montreal Protocol on Substances that Deplete the Ozone Layer—ay nanawagan para sa phase-out ng substances na kinabibilangan ng chlorofluorocarbons at halons, na dati ay nasa refrigerator, aerosol can at kemikal na ginagamit sa dry cleaning.

“The ozone layer is expected to recover in response, albeit very slowly,” saad ng mga mananaliksik sa pag-aaral na inilathala noong nakaraang linggo.

“We can now be confident that the things we’ve done have put the planet on a path to heal,” sabi ni Professor Susan Solomon, ng Massachusetts Institute of Technology, na nanguna sa pandaigdigang grupo ng mga mananaliksik. “We decided collectively, as a world, ‘Let’s get rid of these molecules’. We got rid of them, and now we’re seeing the planet respond.”

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ang ozone layer, isang manipis at maselang proteksiyon ng gas, ang nagbibigay ng proteksiyon sa mga hayop at halaman sa planeta laban sa makapangyarihan at delikadong UV rays. Kapag numipis pa ang ozone layer, mas maraming UV rays ang tatagos dito na makaaapekto sa mga tao, para malantad sa kanser sa balat, katarata at iba pang mga sakit. Makaaapekto rin ito sa buhay ng halaman, at maaaring magresulta sa mas mababang ani at pinsala sa daloy ng pagkain at buhay sa karagatan.

Taong 1985 nang matuklasan ang butas sa ozone layer, na nagbunsod sa pagbuo sa Montreal Protocol makalipas ang dalawang taon.

Sinukat ng mga mananaliksik mula sa MIT, sa National Center for Atmospheric Research, at sa University of Leeds sa United Kingdom, ang epekto sa ozone layer gamit ang mga weather balloon na nakabase sa Syowa station (nasa Antartica) at sa mga himpilan sa South Pole.

Batay sa kanilang taya, dumami ang ozone-depleting gases noong huling bahagi ng 1990s at simula noon ay unti-unting nabawasan na.

Natukoy ng mga siyentista na ang butas sa ozone layer ay lumiit na sa 1.5 million square miles, batay sa kanilang pagsusukat dito tuwing Setyembre simula noong 2000 hanggang 2015. Ang nasabing sukat ay katumbas ng apat na milyong kilometro kuwadrado, na mas malaki pa sa India.

Simula nang ipatupad ang Montreal Protocol, nabawasan din ang dami ng mapanganib na kemikal sa planeta. Ang mga kemikal sa atmospera ay matagal bago mawala, kaya hindi inaasahan ng mga mananaliksik na magsasara ang butas hanggang sa 2050. (CNN)