Inaprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ang P16 umento sa mga nagtatrabaho sa iba’t ibang sektor ng industriya, kabilang ang mga kasambahay, na dinagdagan naman ng P500 sa buwanang sahod, sa Region 9 (Zamboanga Peninsula-Western Mindanao).

Base sa inilabas na order ng RTWPB, sinabi ni Sisinio Cano, regional director ng Department of Labor and Employment (DoLE)-Region 9 at chairperson ng RTWPB, na inaprubahan ng board ang Wage Order No. 18 upang ipatupad ang umento.

Ang desisyon sa dagdag-sahod ay ibinatay sa sunud-sunod na konsultasyon na isinagawa ng RTWPB, pati na rin ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Magiging epektibo ang umento pagkatapos ng teknikal na pagsusuri ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) at paglalathala ng order sa isang pahayagan na may pambansang sirkulasyon.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Kapag nagkabisa ang bagong wage order, magiging P296 na ang arawang suweldo sa rehiyon, mula sa umiiral na P280 para sa mga manggagawang nasa non-agricultural sector.

Ang sahod ng iba pang mga sektor ay ang mga sumusunod: plantation agricultural enterprise, P271 mula sa P255; non-plantation agricultural enterprise, P251 mula sa P235; at retail service establishment, P276 mula sa P260.

Gayunman, sinabi ni Cano ang sahod para sa mga manggagawa sa plantasyon ng negosyo sa agrikultura, negosyo sa non-plantation, at para sa retail service establishment ay ipapantay sa P283 araw-araw, sa Oktubre 31, 2017. Ang pagtaas ay ipatutupad ng ilang bagsakan o staggered basis.

Gayundin, ang minimum na buwanang sahod ng mga kasambahay sa lungsod at first class municipalities sa rehiyon na P2,000 ay magiging P2,500, at sa iba pang munisipalidad, ang dating P1,500 ay magiging P2,000 kada buwan.

Hunyo 10, 2013 huling nagpatupad ng dagdag-sahod sa Region 9. (Mina Navarro)