LOBOC, Bohol – Isang paring Boholano ang natagpuang patay sa loob ng banyo ng kanyang silid sa St. Peter the Apostle Parish nitong Lunes ng gabi, at sinabi ng pulisya na nagpatiwakal siya.

Wala nang buhay nang matagpuan si Rev. Fr. Marcelino Biliran, 56, ng Barangay Bagumbayan, Loboc, sa loob ng banyo ng kanyang silid dakong 7:30 ng gabi nitong Lunes.

Ayon sa report ng Loboc Police, kinatok ng mga kawani ng simbahan ang silid ni Biliran para ayain itong kumain ng hapunan dahil hindi lumabas ng kuwarto ang pari sa itinakdang oras ng pagkain na 6:00 ng gabi.

Nang walang sumasagot, sapilitang binuksan ng mga empleyado ng simbahan ang pintuan hanggang natagpuan nila si Biliran sa banyo at wala nang buhay.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Ayon kay Loboc Rural Health Unit Officer Lev Varquez-Nadela, nasawi ang pari dahil sa asphyxia na epekto ng pagkakasakal o pagkakabigti nito.

Pinaniniwalaang limang oras na siyang patay nang matagpuan.

Itinanggi ng pulisya na may foul play sa pagkamatay ng pari, bagamat hindi pa natutukoy ng awtoridad ang posibleng dahilan sa pagpapatiwakal nito.

Gayunman, sinabi ng ilang source na dumaranas ng colon cancer ang pari. (MARS W. MOSQUEDA, JR.)