NASA 185 aktibista at katutubo na nakikipaglaban para protektahan ang kalikasan ang pinaslang noong 2015.

Ito ang natuklasan sa taunang report ng watchdog group na Global Witness at ang pinakamataas na naitala sa kasaysayan—halos 60 porsiyentong mas mataas kaysa naitala noong 2014—simula nang tuntunin ng NGO ang mga karahasang tulad nito sa iba’t ibang panig ng mundo noong 2002, at marahil tumaas pa dahil maraming pagpaslang ang hindi naiuulat.

Sa Brazil at sa Pilipinas pa lamang ay nabuo na ang ikatlong bahagi ng kabuuang bilang, kasunod ang Colombia, Peru, Nicaragua at Democratic Republic of Congo.

Mahigit 40 sa mga pagpatay ay may kaugnayan sa pagmimina, ayon sa ulat.

Nauwi rin sa pamamaslang ang mga alitan sa kalakalang pang-agrikultura, pagtotroso, at proyekto sa dam.

“Communities that take a stand are increasingly finding themselves in the firing line of companies’ private security, state forces and a thriving market for contract killers,” saad sa pahayag ni Billy Kyte, ang campaign leader ng Global Witness.

“Governments must urgently intervene to stop this spiralling violence.”

Mga katutubo—halos 40 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga biktima—ang madalas na puntirya ng pangangamkam ng mga lupa at sakahan, karaniwan nang sa pakikipagsabwatan sa mga lokal na opisyal, ayon kay Kyte.

Halimbawa, ang lugar sa Mindanao na tinitirahan ng mga Lumad ay nakapagtala ng 25 pagpaslang noong nakaraang taon lamang, ang pinakamaraming pagpaslang sa lahat ng tinugaygayang rehiyon.

Ang lupain ng mga Lumad ay sagana sa uling, nickel, at ginto.

Sa isang partikular na garapalang pag-atake, ang ama at lolo ng Pilipinong aktibistang si Michelle Campos ay pinatay sa publiko dahil sa matapang na pagbatikos sa operasyon ng minahan, iniulat ng Global Witness.

“Kilala namin ang mga pumaslang—malaya pa rin silang nagpapagala-gala sa ating komunidad,” sabi ni Campos.

Sa Brazil, ayon sa NGO, ang laban para isalba ang Amazon ay “increasingly a fight against criminal gangs who terrorise local populations at the behest of timber companies and the officials they have corrupted.”

Libu-libong kampo ng mga ilegal na nagtotroso ang nakakalat sa paligid ng Amazon sa Brazil, na pinagpuputol ang matitigas na puno—gaya ng mahogany, ebony, teak—at inihahanda para iluwas sa ibang bansa.

Batay sa ulat noong 2014 mula sa Chatham House, tinatayang 80 porsiyento ng mga troso galing sa Brazil ang ilegal, binubuo ang ‘sangkapat na bahagi ng mga ilegal na troso na nasa pandaigdigang merkado.

“The murders that are going unpunished in remote mining villages or deep within rainforests are fuelled by the choices consumers are making on the other side of the world,” ani Kyte.

Pangunahing tumatangkilik sa mga mamahaling troso ang Amerika, China at ang European Union.

Noong unang bahagi ng Marso ngayong taon, dalawang lalaki na nakatakip ang mukha ang namaril sa katutubong aktibista na si Berta Caceres, na ginawaran ng prestihiyosong international environmental prize dahil sa pagtutol sa isang dam project sa Honduras.

Noong nakaraang linggo, may 500 katutubong mamamayang Lenca ang nagsagawa ng kilos-protesta sa kabisera ng Honduras na Tegucigalpa upang igiit ang pandaigdigang imbestigasyon sa nasabing pagpatay.

Isa sa limang nadakip sa pagpatay kay Caceres ay isang mataas na opisyal ng Desarrollos Energeticos (DESA), isang kumpanya ng kuryente na sangkot sa pagpapatayo ng hydro-electric dam na mariing tinuligsa ni Caceres.

(Agencé France Presse)