Ni AARON RECUENCO

Nagbabala ang susunod na hepe ng Philippine National Police (PNP) na kung pakikinggan at kakagatin ng bawat pulis ang bawat pahayag ng Commission on Human Rights (CHR), United Nations (UN), at mga kaalyado ng mga ito ay magiging ‘bayot’ o lambutin ang PNP laban sa kriminalidad.

Sinabi ni Chief Supt. Ronaldo de la Rosa na dapat maging determinado sa paggamit ng “extra measure” ang PNP upang masugpo ang mga sindikatong kriminal, lalo na ang mga sangkot sa ilegal na droga.

“Kailangan natin ang extra measures subalit legal. Kailangan nating maging marahas dahil sila man (drug lords) ay marahas din,” giit ni De la Rosa sa panayam ng radyo DzBB.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

“At hindi rin sila (sindikato) basta susuko dahil malaking halaga ng salapi ang pinag-uusapan dito. Nagpapasarap na sila nang mahabang panahon kaya hindi lang sila basta susuko,” dagdag ni De la Rosa.

Ito ay bilang reaksiyon sa deklarasyon ng CHR na patuloy nitong ipaglalaban ang karapatan ng mga human rights victim, kabilang ang mga kriminal, dahil sila man ay dapat pagkalooban ng due process.

Ikinabahala ng CHR ang komento nina De la Rosa at President-elect Rodrigo Duterte na plano ng susunod na adminstrasyon na magtumba ng hindi bababa sa 50 kriminal kada buwan.

Maging ang UN Rapportuers ay pumalag sa pahayag ni Duterte dahil sa pag-endorso nito sa extra-judicial killing sa bansa.

“Kung tayo ay takot sa mga investigating body na ito, walang manyayari sa atin. Magiging bayot ang lahat ng pulis dahil wala na sa kanila ang tutugon sa problemang ito,” ani Dela Rosa.

Binigyang-diin pa ng susunod na PNP chief na maging ang mga nagsusulong ng karapatang pantao ay makikinabang kung malilinis ang mga lansangan at komunidad ng mga kriminal.