Hinihikayat ng nag-iisang babaeng komisyuner ng ng Commission on Elections (Comelec) ang mga kapwa niya babae na makilahok sa barangay elections na idaraos sa Oktubre ng taong ito.
Ayon kay Comelec Commissioner Rowena Guanzon, head ng Gender and Development Committee ng poll body, mas malaki ang tiyansa na manalo sa halalang pambarangay ang isang babae.
Paliwanag niya, maliit lamang ang lugar na sakop ng barangay elections kaya mas madaling mangampanya, bukod pa sa kilala na sila sa komunidad, simbahan at maging sa barangay.
Sa ngayon ay hindi naman masabi ng Comelec kung ilan ang babaeng nakaupo bilang barangay chairman at kagawad ngunit umaasa si Guanzon na mas marami pang babae ang lalahok sa halalan sa Oktubre.
Hinikayat rin niya ang kababaihan na suportahan ang mga babaeng kandidato lalo na dahil mas maraming babaeng botante sa bansa kumpara sa lalaki.
Nabatid na sa eleksiyon nitong Mayo 9 ay mayroong 28,052,138 rehistradong babaeng botante kumpara sa kalalakihang botante na nasa 26,311,706 lang. (Mary Ann Santiago)