NGAYON ay World Day for Cultural Diversity for Dialogue and Development (WDCDDD). Sa araw na ito, binibigyan ng oportunidad ang mamamayan upang matuto at higit na maunawaan ang mayaman at makulay na kultura ng mundo, gayundin ang kahalagahan ng pagtatamo at pagpapanatili ng pagkakaisa. Karaniwan nang nag-oorganisa ng iba’t ibang aktibidad upang isulong ang kamulatan at pag-unawa sa mga usapin tungkol sa pagkakaiba-iba at pagbabago sa kultura, kabilang ang mga presentasyon sa progreso ng pagpapatupad sa Universal Declaration on Cultural Diversity (UDCD), mga programang pang-edukasyon para sa mga bata at kabataan, paglulunsad ng mga pinagtuwangang pagsisikap sa pagitan ng mga opisyal na ahensiya at mga grupong etniko, pagdaraos ng mga exhibit upang matulungan ang mga tao na maunawaan ang kasaysayan ng iba’t ibang grupong pangkultura, at pagdiriwang na lilikha ng malawakang pag-unawa sa kahalagahan ng kultura at sa importansiya ng pangangalaga sa mga ito.

Nobyembre 2, 2001 nang pagtibayin ng General Conference ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organizations (UNESCO) ang UDCD sa Paris, France. Ito ang ika-249 na resolusyong pinagtibay sa ika-57 sesyon ng UN General Conference. Bagamat sa nasabing deklarasyon nagwakas ang ilang taon ng pagsisikap, pinagtibay ito ilang buwan makalipas ang mga teroristang pag-atake noong Setyembre 11, 2001. Muli nitong pinagtibay ang pangangailangan para sa intercultural dialogue upang maiwasan ang paghiwalay at pundamentalismo. Pagkatapos nito, ang taong 2002 ay ginawang UN Year for Cultural Heritage. Sa pagtatapos ng taong ito, noong Disyembre 20, 2002, idineklara ng General Assembly ng UN ang Mayo 21 bilang WDCDDD. Binigyang-diin ng General Assembly ang ugnayan sa pagitan ng sibilisasyon sa modernong mundo. Ang WDCDDD ay unang ginunita noong 2003.

Nagmungkahi ang UNESCO ng listahan ng mga aktibidad na maaaring makibahagi ang mga indibiduwal, pamilya o grupo upang ipagdiwang ang WDCDDD. Kabilang sa mga ito ang pagbisita sa isang art exhibit o museo na inialay para sa iba pang mga kultura; pag-iimbita ng pamilya o tao sa komunidad mula sa ibang kultura o relihiyon upang makasalo sa pagkain at makapalitan ng pananaw sa iba’t ibang usapin; panonood ng pelikula o pagbabasa ng libro tungkol sa isang bansa o relihiyon na iba sa iyo; pag-imbita sa isang may ibang kultura upang makibahagi sa iyong mga tradisyon; pagbabasa tungkol sa mga pilosopo mula sa ibang kultura (halimbawa: Confucius, Socrates, Avicenna, Ibn Khaldun, Aristotle, Ganesh, Rumi); pagbisita sa lugar sambahan na iba kaysa iyo at pakikibahagi sa selebrasyon; pagkatuto tungkol sa mga tradisyunal na pagdiriwang ng ibang kultura; pagkatuto sa Hanukkah o Ramadan o iba pang malalaking selebrasyon ng Bisperas ng Bagong Taon sa Spain o Qingming Festival sa China; pagbabahagi o pagpapakalat ng sariling kultura sa iba’t ibang panig ng mundo sa pamamagitan ng Facebook page ng UNESCO at matutuhan ang iba pang mga kultura; at pakikinig sa musika ng ibang kultura.

Sa pagdiriwang ng pandaigdigang komunidad sa WDCDDD 2016, umaalingawngaw ang mensahe ni Director General Irina Bokova ng UNESO noong nakaraang taon: “World Day for Cultural Diversity for Dialogue and Development… is an opportunity to unleash the creative potential of our different languages and traditions – and to ensure that these differences enrich and strengthen us, instead of dividing us… dialogue can vanquish all misunderstanding and open up an infinite horizon of possibilities for peace and development.”

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika