NGAYONG tapos na ang halalan, natitiyak ko na may natitira pang habag at malasakit ang mga mambabatas, nanalo man o natalo, upang muling ihirit ang naudlot na P2,000 dagdag sa pensiyon ng mga retiradong miyembro ng Social Security System (SSS). Kailangan silang magsanib-puwersa upang mapawalang-bisa ang pag-veto ni Presidente Aquino sa naturang panukala.

Bagamat hindi pinalad na mailuklok sa Senado, nakagagalak mabatid na nanatili sa puso ni Rep. Neri Colmenares ang pagmamalasakit upang madagdagan ang kakarampot na biyaya na tinatanggap ng mga SSS pensioner na naging bahagi rin naman ng huwarang paglilingkod sa lipunan; malaki rin naman ang kanilang naiambag sa mga kaunlarang pangkabuhayan, lalo na ang mga itinuturing na mga buhay na bayani ng bayan – ang overseas Filipino workers (OFWs).

Ang nabanggit na panukalang-batas ay magugunitang nagkakaisa nang katigan ng Senado at Kamara. Katunayan, hindi ito tinutulan ng mga mambabatas hanggang sa makarating sa Tanggapan ng Pangulo. Dangan nga lamang at ito ay naibasura ng Presidential veto power.

Sa pagbubukas ng sesyon ng Kongreso sa Mayo 23, mistulang naninik-luhod si Colmenares kina Speaker Sonny Belmonte at Majority Leader Boyet Gonzales at sa iba pang mambabatas na isaalang-alang ang SSS pension hike. Kailangang madagdagan ang 95 mambabatas na hindi kumakalas sa pakikiisa sa naturang panukala. Marapat na sila, at iba pa, kabilang na ang Pangulo, ay manatiling nalulukuban ng tunay na diwa ng habag at malasakit.

Sa panig ng mga SSS pensioner, masyado namang magiging kahabag-habag kung sila ay laging mistulang namamalimos; nagmamakaawa upang ipagkaloob sa kanila ang biyaya na marapat lamang nilang tamasahin. Manapa, nais lamang nilang damahin ng mga awtoridad ang kanilang kalagayan, lalo na ngayong halos lahat sa kanila ay nasa dapit-hapon na ng kanilang buhay; kakarampot ang tinatanggap nilang biyaya na talagang hindi nakasasapat sa kanilang mga pangangailangang pagkain at gamot. Umaasa na lamang sila sa ayuda ng kanilang mga mahal sa buhay, at sa iba pang may mabuting kalooban. Bagamat maaaring nagkataon lamang, subalit isang kapwa uugud-ugod na SSS pensioner ang sinundo na ng Panginoon, wika nga, ang hindi na nakatikim ng pension hike.

Hindi pa huli ang lahat upang pakinggan at aksiyunan ang huling hirit ng mga SSS pensioner. (Celo Lagmay)