AAMYENDAHAN daw ng papalit na administrasyon ang Saligang Batas upang mapairal ang ipinangakong Federalism ng bagong halal na Pangulo ng bansa na si Mayor Duterte. Kay Duterte kasi, ang Federalism ay ang bagong porma ng gobyernong magkakalat ng yaman ng bansa upang ang mga bahaging napapabayaan ay magtamasa rin nito. Ito ang nakikita niyang paraan para maging mapayapa ang Mindanao, na hindi ganap na nadadaluyan ng pondo mula sa pamahalaang nasyonal kaya naghihirap at magulo.
Bukod sa Federalism, ipinangako rin ni Pangulong Duterte na wawakasan niya ang ilegal na droga, krimen at katiwalian sa loob ng tatlo haggang anim na buwan. Wala tayong narinig sa kanya tungkol sa mga polisiyang pang-ekonomiya na lulutas sa kahirapan. Pero ilang araw pagkatapos na kinumpirma ng resulta ng halalan na siya na ang Pangulo, may narinig na tayong “8 Economic Plan” na inihayag ng kanyang economic adviser na si Carlos Dominguez.
Ang problema raw sa ekonomiya ng bansa, nananatiling kaunti ang mayaman samantalang dumarami naman ang mahirap. Isa sa apat na Pilipino ay nabubuhay lang sa pinakamalaki ng P50. Bahagi, aniya, ng problemang ito ay ang kakulangan ng mga banyagang mamumuhunan at paglikha ng trabaho. Ang nakikita naming solusyon, wika niya, ay pag-amyenda sa economic provisions ng Saligang Batas na nagbabawal o naglilimita sa pagpasok sa bansa ng mga banyagang mamumuhunan.
Ang programang pang-ekonomiya pala ni Pangulong Duterte, kung isusulong ang inihayag ni Dominguez, ay walang ipinagkaiba sa programang ekonomiya ni Pangulong Noynoy. Ang pag-aamyenda sa economic provisions ng Saligang Batas ang hinangad na isulong noon ni Speaker Sonny Belmonte.
Ang mga probisyong ito ay nangangalaga sa mga likas na yaman ng bansa. Pinaaalagaan sa isang henerasyon upang may maipamana sa mga susunod pang henerasyon. Ang iba pang bagay, tulad ng media, retail business, domestic shipping at pharmaceuticals ay ipinagbabawal o nililimitahan na mapasakamay ng dayuhan para sa sariling interes ng bansa.
Halimbawa ang media, bakit mo naman ibabahagi ang larangang ito sa mga dayuhan, eh, kung gamitin laban sa atin? Ang media ay epektibong tagapagpalaganap at tagapagtanggol ng interes ng bansa.
Inalis natin ang retail business sa kamay ng dayuhan dahil napakadali sa kanila ang makontrol at mamonopolyo ito. Sinira na nga rin ng mga mall ang mga inabutan nitong sari-sari store at karinderia, na pinakikinabang ng mga dukhang Pilipino. Lulubha lang ang kahirapan sa ating bansa. (Ric Valmonte)