MAS inspirado ang mga health woker sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), dedikado at determinado sa kanilang serbisyo matapos parangalan ng Department of Health (DoH) central office ang Department of Health sa ARMM (DoH-ARMM) bilang pinakaprogresibong rehiyon sa ikalawang national de-worming campaign nitong Enero.
Ayon kay Dr. Kadil Sinolinding, DoH-ARMM regional secretary, aabot sa 98 porsiyento ng target ang na de-worm ng ARMM, o mahigit sa isang milyong school and community-based children.
Isinasagawa ang deworming dalawang beses sa isang taon, na sinisimulan tuwing Hulyo taun-taon.
“This is the first time that the DoH central office recognized the region in a deworming period, and it is because of the continuous effort of the DoH-ARMM,” pahayag ni Soraida Amilil, regional program coordinator at deputy infectious disease cluster head.
Ipinagdiinan ni Amilil ang kahalagahan ng nasabing proyekto, na layuning labanan ang nutritional impact ng soil-transmitted helminthiasis, isang uri ng helminth infection na dulot ng roundworms, whipworms, at hookworms.
Habang isinasagawa ang deworming, ang mga batang nasa edad isa hanggang apat, at lima hanggang 12 ay binigyan ng isang dosage ng chewable 400-milligram albendazole anti-worm tablets ng mga nurse at community health worker.
Iniulat ng DoH-ARMM na aabot sa kabuuang 343,885 bata, nasa edad isa hanggang apat, at 135,716 naman sa edad lima hanggang 12 sa mga komunidad na nakatanggap ng deworming tablets.
Habang 568, 076 naman mula sa pampublikong paaralan ang sumailalim sa deworming sa loob ng campaign period.
Ayon sa mga health worker, gaya ng ibang gamot, ang deworming drugs ay may mas mababang side effects katulad na lamang ng pagkahilo, pananakit ng ulo at pagsusuka.
Ayon kay Amilil, unang sinubukan ng regional health office na pababain ang bilang ng mga batang binubulate sa 20 porsiyento noong 2014. Upang maabot ito, nagsagawa ng parasite prevalence survey ang Health department ng nasabing rehiyon sa Basilan, Tawi-Tawi, at Lanao del Sur.
Lumabas sa resulta ng survey na 36.7 porsiyento ng mga mag-aaral na nasa edad anim hanggang 12 ay may ganitong problema sa kalusugan.
“Hopefully, with the efforts of our department (DOH-ARMM), we can lower the number of children suffering from worm infestation,” dagdag ni Amilil.