NAKIKIRAMAY ako sa pagyao ni ex-Liwayway Magazine editor Rod Salandanan, 79, na namaalam sa mundo noong Abril 30. Si Rod ay kasama kong kolumnista sa BALITA, at matagal naming nakasama nina Celo Lagmay, Clemen Bautista, at iba pa sa larangan ng peryodismo. Siya ang dating pangulo ng Famas. Noon, paminsan-minsan akong pumupunta Abucay, Bataan dahil kaibigan ko sina Bataan Rep. Enrique “Tet” Garcia at ex-Bataan Rep. Felicito “Tong” Payumo na mga kaibigan din ni Rod. Sa Bataan, sagana kami sa ulam na tinapa bukod pa sa kakaning-baryo at sariwang hanging mula sa Bataan, Peninsula.

***

Noong Lunes, nabigo ang publiko na malaman ang hinggil sa umano’y P211 milyong deposito ni Mayor Rodrigo Duterte sa BPI Julia Vargas Branch, Ortigas dahil hindi nabuksan ang bank account ng machong alkalde. Pinagbibintangan ng coup pal na si Sen. Antonio Trillanes IV na nagkukunwaring mahirap lang si Digong pero katakut-takot pala ang pera na nakaimbak sa mga bangko.

Naniniwala pa ang matapang na senador na hindi lang milyun-milyon ang nakatago sa BPI branch kundi, mahigit pa sa P2 bilyon. Nais malaman ni Trillanes ang bank transaction ng alkalde at hindi lang ang kasalukuyang laman nito na wala pang isang milyong piso. Bukod sa sandamukal na bank deposits, ibinulgar pa ng dating coup plotter na may 41 propriedad si Mang Rody. Of course, itinanggi ito ni Duterte.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Nagbabatuhan ng masasakit na salita sina Duterte at Trillanes. Tinawag ng alkalde ang senador na isang “askal” at isang “mad dog” o asong-ulol. Tinawag naman siya ni Trillanes na isang DUWAG, dahil sa hindi pagsipot sa BPI.

Samakatuwid, si Digong ay walang “yagba” gayong ipinagmamalaki niyang siya ay babaero at killer. Nakisali rin si ex-Mayor Sara Duterte at sinabihan si Trillanes na isang “gunggong” o estupido.

Ang pulitika ay pulitika. Ang pulitiko ay pulitiko. Kahit ano mang sabuyan ng putik, intriga at paninira, sila ay nagkakamayan pa rin tulad ng nangyari kina VP Binay at Mar Roxas sa harap ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle kaugnay ng paglagda ng mga kandidato sa TRUTH (Truthful, Responsible, Upright, Transparent, and Honest polls) na ginanap sa Manila Cathedral.

Limang tulog na lang, wika nga, at pipili na ng magiging pangulo ang sambayanang Pilipino na laging pinangangakuan ng trabaho, ginhawa, at pag-angat sa buhay ng mga kandidato-pulitiko. Sana ay huwag tayong maniwala sa resulta ng mga survey na inilalabas ng Pulse Asia, Social Weather Stations at iba pang survey outfits. Iboto ang nasa puso at isip.

Higit nating pakinggan ang paalala o pastoral letter ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na pumili ng kandidato na may takot sa Diyos, makatao, hindi makasarili at may kanais-nais na moral character na magiging simbolo at huwaran ng mga Pilipino, lalo na ng mga kabataan.

Dapat ding pakinggan ng mga tao ang pahayag ni Cardinal Tagle na ang karapatang bumoto ay isang “biyaya” sapagkat may mga bansa sa mundo na ang ganitong karapatan ay tinatamasa lamang ng ilang uri ng lipunan. Ipinaalala naman ni Tagle sa mga kandidato na kasama sa responsibilidad nila matapos manalo ang pag-aangat sa buhay ng mga Pilipino na patuloy na nagdurusa hanggang ngayon! (Bert de Guzman)