ITINAKDA ang World Asthma Day upang magsulong ng “awareness, care, and support for those affected by asthma.” Ang hika ay isang tuluy-tuloy na sakit ng pamamaga ng daanan ng hangin patungo sa baga, na nagdudulot ng problema sa paghinga. Kabilang sa mga sintomas nito, na magkakaiba sa bawat tao at nag-iiba rin sa dalas ng pag-atake at kalubhaan, ang: hirap sa paghinga, pag-ubo, at mabigat na pakiramdam sa dibdib. Kung hindi kontrolado ang mga sintomas, maaaring mamaga ang daanan ng hangin kaya nahihirapang huminga ang pasyente. Bagamat hindi na magagamot pa ang sakit na ito, maaari namang makontrol ang mga sintomas nito upang maayos at normal na makapamuhay ang mga may hika.

Ang World Asthma Day ay inorganisa ng Global Initiative for Asthma (GINA) na nakikipagtulungan sa mga health care group sa iba’t ibang panig ng mundo upang maisulong ang kamulatan sa sakit. Ang GINA ay inisyatibo ng National Heart, Lung, and Blood Institute (NHLB) sa Amerika. Ang World Asthma Day ay suportado rin ng World Asthma Foundation. Kabilang sa mga karaniwang aktibidad na idinadaos para sa okasyon ay ang: pagbubukas ng mga libreng asthma screening clinic sa mga lokal na ospital; pagpapalabas ng mga media advertisement (radyo, TV, Internet); pag-ooganisa ng mga debate tungkol sa mga bagay na makaaapekto sa mga may hika; paglulunsad ng libreng asthma telephone help line; at pagtuturo sa mga bata tungkol sa hika sa nakaaaliw na paraan, gaya ng paggamit ng mga laro.

Mayroon ding mga inisyatibo upang kumalap ng pondo sa pamamagitan ng pag-sponsor sa mga walkathon, takbuhan, at paglangoy.

Sinimulan noong 1998, ang selebrasyon ng unang World Asthma Day ay isinabay sa unang World Asthma Meeting (WAM) sa Barcelona, Spain, na mahigit 35 bansa ang nakibahagi. Sa nakalipas na mga taon, unti-unting nakikilala ang World Asthma Day bilang ang pinakamahalagang asthma awareness event sa mundo.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa pakikipagtulungan ng mga partner nito, labis ang pagpupursige ng GINA upang magkaloob ng tuluy-tuloy na edukasyon at magkaroon ng mga hakbangin upang mabawasan ang insidente ng matinding pag-atake ng hika, partikular na sa mga mangangailangan pa ng pagtungo sa ospital o kaya naman ay pananatili roon. Gayunman, ang tagumpay ng mga pagsisikap na ito ay mariing nakasalalay sa pagtutulungan ng mga taong apektado ng sakit na ito ng pamamaga ng daanan ng hangin, gayundin sa suporta ng pamilya ng mga pasyente.